746 total views
Pagpapahalaga at hindi pagsasayang ng pagkain sa hapag ang isang paraan upang makatulong sa problema ng kakulangan sa supply ng pagkain.
Ito ang panawagan ni Finda Lacanlalay – Executive Director ng Hapag-asa Feeding Program ng Assisi Development Foundation at Pondo ng Pinoy ng Archdiocese of Manila kaugnay sa naging pahayag at pagbibigay pansin ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang talumpati bilang Pangulo ng Caritas Internationalis sa United Nations Food and Agriculture Organization (FAO) sa problema ng kakulangan ng pagkain sa mundo.
Pagbabahagi ni Lacanlalay, sa dami ng mga nagugutom sa mundo nararapat lamang na maging disiplinado ang bawat isa sa bawat butil ng pagkaing pinaghihirapan at biyaya ng Panginoon sa sanlibutan.
“Sa atin na lang yung pagkain ng mga bata o nung pamilya na huwag kang magsayang, diba meron tayong ano na bawat butil na nasasayang, natatapon pag-pinagsamasama mo yun maraming pagkain yun, so bakit mo sasayangin samantalang ano yun eh, discipline yun ng tao, nating mga tao na huwag magsayang lalo na nang pagkaing pinaghirapan at talagang galing sa Diyos dahil marami ngang nagugutom eh..” Ang bahagi ng pahayag ni Lacanlalay sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, ayon sa Philippine Rice Research Institute, nasa P6-Bilyon hanggang P8-Bilyon piso, ang halaga ng kanin na nasasayang kada taon, kung saan tinatayang bawat isang Pilipino ay may 3(tatlong) kutsarang kanin, na sinasayang na katumbas ng 3(tatlong) kilo kada taon.
Sa datos ng Caritas Internationalis, tinatayang 800 milyong katao sa buong mundo ang natutulog sa gabing gutom na dapat na tulungan at kalingain.
Maging ang Kanyang Kabanalan Francisco ay personal na ring nanawagan ng sama-samang paglaban sa nararanasang kagutuman sa maraming bansa.
Samantala, batay sa datos ng Global Hunger Index, pang 51 ang Pilipinas mula sa 117 mga bansa na may malubhang antas ng kagutuman noong taong 2015.