170 total views
Labis na nagpapasalamat ang Caritas Manila sa naging tagumpay ng Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP Telethon nito sa Radyo Veritas kahapon.
Partikular na nagpapasalamat si Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radyo Veritas sa mga donors kung saan nakalikom ang telethon mula sa target nitong P5-million ng mahigit P4.4-million para sa may mahigit 5,000 scholars nito.
“Nagpapasalamat tayo sa telethon na kahapon ay napaka-matagumpay, almost P5 millon ang ating naipon may dumarating at tumatawag pa para makatulong sa ating 5,000 scholars youth servant leaders sa buong Pilipinas.” Pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, natutuwa din ang pari dahil sa marami ang may mabubuting kalooban at napakahalaga nito lalo na ngayong ‘Year of Mercy’ na ipinapakikita ng bawat isa ang pagmamalasakitan lalo na sa mga nangangailangang kabataan na nais magkaroon ng magandang kinabukasan.
“Nakakatuwa naman marami ang nagbigay, may maliit may malaki, ang mahalaga ang ating pakikiisa sa Year of Mercy na tayo ay makapagmalasakitan sa mga kabataang mahihirap ngunit nais nilang magkaroon ng bagong kinabukasan sa pamamagitan ng edukasyon.” Ayon pa kay Fr. Pascual.
Ayon sa Caritas Manila, umaabot sa P100-million kada taon ang pondo nila para sa lahat ng pangangailangan ng kanilang mahigit 5,000 scholars kabilang na ang allowance, board and lodging at matrikula na karamihan sa mga ito nasa mahihirap na lalawigan sa Mindanao, mga Indigenous Peoples (IPs), mga nabiktima ng Bagyong Yolanda sa Visayas at maging sa mahihirap na pamilya sa Metro Manila.
“Ang budget ng Caritas ay around P100 million a year minimum, andiyan ang allowance lang, board and lodging at tuition fees ng ating 5,000 scholars marami sa Mindanao sa poorest provinces sa Mindanao mga IPs, at sa Visayas mga victims ng Yolanda at siyempre dito sa Metro Manila.” ayon pa sa pari.
Una na ring binigyang diin ng Caritas Manila na maliban sa nagmula sa mahihirap na pamilya, kinakailangang aktibo rin ang mga kabataan sa church at community activities at sumasailalim sila sa mga formation program on servant leadership upang maging pinuno sila sa kani-kanilang komunidad maliban pa sa maganda ang academic grades.
Kamakailan, nasa 625 servant youth leaders ang nakapagtapos at 10% sa mga ito may karangalan (suma-cum laude o cum laude).
Napag-alamang ang mga nauna ng nagsipagtapos na scholars ng YSLEP na may mga trabaho na ay tumutulong din ngayon sa mga mag-aral kung saan noong nakaraang taon nakalikom sila ng P1-million at ngayong 2016 target nila ang P2-million na pondo na itutulong sa programa