904 total views
Ito ang paalala ni Archdiocese of Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, former President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa kanyang pagninilay sa mga dapat tandaan sa pagpili, at pagboto ngayong darating na 2019 Midterm elections.
Ayon sa Arsobispo, ang eleksyon at pagboto ay hindi lamang pananagutang makabayan kun’di pananagutang makadiyos na nangangailangan ng pananalangin at taimtim na pagsusuri sa mga kandidato.
Nilinaw ni Archbishop Villegas na hindi nagsasabi o nagdidikta ang mga Obispo kung sino ang dapat na iboto, bagkus ang mga ito ay tumutulong at gumagabay lamang upang maging malinaw para sa mga Filipino ang katangiang kanilang dapat hanapin sa mga nagnanais maglingkod sa bayan.
“Ang eleksyon ay hindi lamang pananagutang makabayan, ang pagboto ay pananagutang maka Diyos… Kailangan po nating magdasal at kailangan nating gamitin ang pamantayan ng Diyos na ibinigay sa atin upang ang ating boto ay maging banal at magpabanal para sa ating bayan.” pahayag ni Archbishop Villegas
1. I AM THE LORD YOUR GOD, YOU SHALL NOT HAVE STRANGE GODS BEFORE ME
Sa unang utos ng Diyos, ipinaliwanag ng Arsobispo na hindi dapat iboto ang isang taong hindi naniniwala sa Panginoon, at ang misyon ay alisin ang relihiyon sa balat ng lupa.
Naniniwala ito na likas sa mga Filipino ang pagiging relihiyoso, kaya naman aniya, hindi rin naman dapat maging hadlang sa pagpili ng kandidatong iboboto ang pagkakaiba- iba ng relihiyon.
Ang mga Katoliko, Muslim, at ang nabibilang sa iba pang relihiyon ay maaaring iboto basta’t titiyakin lamang ang kanilang kakayahan, karakter at kapatan sa bayan.
2. YOU SHALL NOT TAKE THE NAME OF THE LORD YOUR GOD IN VAIN
Sinabi ni Archbishop Villegas na ipinapaalala sa ikalawang utos ng Diyos na kilatisin ang mga pangakong binibitawan ng mga kandidato.
Aniya, madulas mangako ang mga kandidato sa panahon ng pangangampanya kaya naman mahalagang matingnan ang mga bagay na tunay na nagawa na nila para sa bayan.
Bukod dito, kinakailangang kilatisin din ng mamamayan ang mga salitang binibitawan ng mga tumatakbo bilang lingkod bayan, ang kanilang asal sa pagsasalita, at ang paggamit sa kapangyarihan at kalayaan sa pagpapahayag.
3. REMEMBER TO KEEP HOLY THE LORD’S DAY
Sa ikatlong utos ng Diyos, hinimok ng Arsobispo ang mamamayan na hanapin ang tao o kandidatong marunong sumandal sa awa ng Diyos at hindi ginagamit ang panalangin upang makakuha ng boto.
“Ang isa po sa dapat nating tingnan ay yung sinasabing tyranny of performance, na kilos nalang ng kilos, kita nalang ng kita, gawa nalang ng gawa subalit hindi na binibigyan ng pagkakataon ang sarili na makapagpahinga at makinig sa salita ng Diyos. Remember to keep holy the Lord’s Day, iginagalang ba n’ya ang karapatan ng mga mahihirap ng mga mahihina na makapagpahinga rin sa araw ng Panginoon? Hanapin po natin ang mga kandidatong ito na gumagalang sa Panginoon, hindi ginagamit ang Panginoon, at marunong magtiwala sa Panginoon, sapagkat nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa.” Pahayag ng Arsobispo.
4. HONOR YOUR FATHER AND YOUR MOTHER
Hanapin ang mga kandidatong may paggalang sa nakatatanda, mahihina, at sa pamilya.
Naniniwala ang Arsobispo na hindi salat ang Pilipinas sa mga karapat-dapat na mamuno sa bayan, kaya naman ang realidad ng Political Dynasty ay mahalagang maging batayan rin sa pagpili ng mga iboboto ngayong halalan.
5. THOU SHALL NOT KILL
“Banal ang buhay ng tao, at ang sinumang hindi gumagalang sa buhay ng tao ay lapastangan sa Diyos, at ang lapastangan sa Diyos balang araw, lapastangan din sa ating lahat.” Pahayag ni Archbishop Villegas
Umapela si Archbishop Villegas sa mga Filipino na huwag iboto ang mamamatay tao, walang paggalang sa buhay, at ang pagtingin sa mga kriminal ay hindi tao kun’di hayop.
Dagdag pa niya mahalaga din na matukoy ang posisyon ng mga kandidato sa abortion, at death penalty.
6. THOU SHALL NOT COMMIT ADULTERY
“Kung ang isang kandidato ay hindi kayang maging tapat sa iisang asawa, paano s’ya magiging tapat sa kaisa-isang bayan?”
Ito ang pagninilay ng Arsobispo sa ikaanim na utos ng Diyos.
Kaakibat na mga usapin na mahalaga ring mapagnilayan sa ikaanim na utos ang usapin ng lipunan sa sekswalidad, ang same sex marriage, abortion, divorce, at karapatan ng mga bata.
7. THOU SHALL NOT STEAL
Sa ikapitong utos ng Diyos, hinimok ni Archbishop Villegas ang mga botante na pumili hindi lamang ng mga hindi magnanakaw kun’di ang mga tunay na tapat sa kaban ng bayan.
Naniniwala ito na pinaka mabigat na suliranin ngayon sa Pilipinas ay ang kurapsyon, dahil karaniwan nang yumayaman ang mga pulitikong nalalagay sa posisyon sa gobyerno.
Bukod sa mga salaping direktang ninanakaw sa kaban ng bayan, sinabi rin ng Arsobispo na “ang pagwawaldas ng kalikasan ay pagnanakaw sa mga salinlahi ng Pilipino sa mga darating pang taon.”
8. YOU SHALL NOT BEAR FALSE WITNESS AGAINST YOUR NEIGHBOR.
Ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw.
Ito ang binigyang diin sa ikawalong utos ng Diyos, kaugnay sa paglaganap ng mga fake news lalo na tuwing nalalapit ang eleksyon.
Pagbibigay linaw ni Archbishop Villegas, mahalagang makitang mabuti ng mga Filipino kung sino ang nagsasabi at nagtatanggol sa katotohan.
“Those who promote fake news put us under slavery. Bumoto tayo ng tama, piliin natin ang totoo, huwag tayong padala sa palusot, sa pasiklab, sa pasimple o sa pambobola hanapin natin kung sino ang totoo. Sino ang ginto hindi ang tanso, sino ang totoo hindi ang fake” pahayag ng Arsobispo.
9. YOU SHALL NOT COVET YOUR NEIGHBOR’S WIFE.
Binigyang diin sa ikasiyam na utos ng Diyos na mahalagang mayroong mataas na pagpapahalaga sa dignidad ng mga kababaihan ang isang kandidato.
Sinabi ng Arsobispo na kung ang isang kandidato ay nanggagamit ng kababaihan, mababa ang pagtingin sa kanila, at sinasamantala ang kanilang kahinaan, ito ay hindi dapat pagtiwalaan sa mga mas malalaking bagay.
10. YOU SHALL NOT COVET YOUR NEIGHBOR’S GOOD.
“Hindi tayo pwedeng pumili ng isang kandidatong natira na lamang kasi pinatay na niya ang kan’yang kalaban, natira na lamang s’ya kasi sinira na n’ya ang pangalan ng lahat ng kan’yang kalaban” Pahayag ng Archbishop Villegas sa ika-sampung utos ng Diyos
Nanawagan ang Arsobispo sa mga kandidato na wakasan na ang inggit, galit at karahasan na humahantong sa pagpaslang sa kanilang kapwa kandidato.
Naninindigan si Archbishop Villegas na ang kandidatong nananalo dahil sa pagsira sa kan’yang kapwa kandidato ay hindi ang pinunong nais ng Panginoon para sa bayan.