180 total views
Pormal nang pinasinayahan ng Caritas Manila Segunda Mana ang ika – 33 charity outlet kung saan ibinebenta ang mga donasyong gamit.
Pinangunahan ni Rev. Fr. Bonifacio Chavez, Kura Paroko ng Maria, Ina Ng Kapayapaan Parish, ang pagbabasbas sa outlet na matatagpuan sa Kasiglahan Village sa bayan ng Montalban Rizal.
Ikinatuwa ng pamunuan ng Caritas Manila -Segunda Mana sa pangunguna ni William Barry Camique ang mainit na pagtanggap ng mga residente ng Kasiglahan Village sa pagbukas ng segunda mana outlet lalo’t ito ang kauna-unahang community based outlet na binuksan.
“Its nice na unang araw pa lang natin may mga interesado nang beneficiaries na gusto maka-avail ng ating tulong,” pahayag Camique sa Radio Veritas.
Sinabi ni Camique na marami ang napupuntahan ng mga kinikita sa mga Charity outlet nito dahil bukod sa limang libong iskolar ng Youth Servant Leadership Program ng Caritas Manila (YSLEP), mahigit sa tatlong daang indibidwal ang mga nag uukay-ukay na mula sa sektor ng mahihirap ang nabigyan ng hanapbuhay.
Inihayag ni Camique na sa Diyosesis ng Antipolo kung saan sakop ang binuksang community based outlet ay may 70 scholar ito na pinag-aaral.
“Ang Segunda Mana na po ngayon ang nagbibigay ng primary source of funds para sa mga scholars ng Caritas Manila,” dagdag ni Camique.
SEGUNDA MANA EXPANSION
Inihayag din ni Camique na nais nitong palawakin pa ang paglalagak ng mga charity outlet sa buong bansa kung saan ibinahagi nito ang matagumpay na pagpapatakbo sa kauna-unahang outlet na binuksan sa sa Iloilo City.
Batay sa nakalatag na mga plano ng programa, magbubukas ito ng mga charity outlet sa Tanauan Batangas, Tagaytay at sa ilan pang malalaki at kilalang establisimiyento sa Central Luzon.
Umaasa rin si Camique na mailunsad ang Segunda Mana sa lalawigan ng Cebu at Tagum sa Mindanao upang higit mapalawak ang programa na makatutulong sa mga nangangailangang mamamayan sa buong Pilipinas.
“We are bringing the concept in Cebu next, definitely and hopefully bago talaga matapos ang taon ma-ilaunch ang Cebu dahil after Cebu we are looking into, we might launch in Tagum Davao so yun ang calendar plot namin sa Segunda Mana expansion to go nationwide,” ayon kay Camique.
Ang mga gamit na nabibili sa mga Segunda Mana charity outlet ay pawang donasyon mula sa mga organisasyon, mga kilalang personalidad, at mga kumpanya na kaisa sa adhikain ng Simbahan sa pagtulong sa mga nangangailangan.