193 total views
Ang mga layko ang dapat na magsilbing unang tagapagtanggol ng Simbahan at ng pananampalatayang Katoliko.
Ito ang panawagan ni Dra. Marita Wasan – Pangulo ng Sangguniang Layko ng Pilipinas kaugnay sa mahalagang tungkuling ginagampanan ng mga layko bilang katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos.
Ipinaliwanag ni Wasan na mahalaga ang pagsasalita at paninindigan ng mga layko lalo’t higit ng mga Obispo at mga lider ng Simbahan upang magabayan ang mga mananamapalataya sa tamang gagawin.
Inihayag ni Wasan na dapat maunawaan ng bawat isa ang paghingi ng paumanhin ng mga Obispo dahil sa kanilang pahayag laban sa mga nagaganap na karahasan at kaguluhan sa lipunan na kinakailangan munang idaan sa mahabang panahon ng pananalangin at pagninilay.
“Dapat tayong mga layko ang dapat na nagsasalita at yun ang aming ginagawa at hanggang maari sana ay sa lahat ng parokya, sa lahat ng diyosesis, sa lahat ng mga Katoliko na nararamdaman kung gaano kahirap mula sa ating mga Obispo ang pagkukundisyon ng kanilang kaisipan dahil sa nangyayari, we need to pray tama sila kailangan natin ng panalanging mataimtim para mas magabayan tayo…” pahayag ni Wasan sa panayam sa Radyo Veritas.
Samantala, nanawagan ng pakikiisa ang Sangguniang Layko ng Pilipinas (SLP) para sa nakatakdang Walk for Life na layuning isulong ang kahalagahan ng buhay kasabay ng paggalang sa dignidad at karapatan ng bawat isa.
Nakatakda ang Walk for Life sa ika-16 ng Pebrero sa Quezon City Memorial Circle na magsisimula ganap na alas-4 ng madaling araw na pangungunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Isasagawa din ang Walk for Life sa Tarlac, Lingayen – Dagupan, Cebu, Cagayan de Oro at Palo.
Inaasahan ng Sangguniang Layko ng Pilipinas na aabot sa 10,000 ang mga makikiisa sa nakatakdang Walk For Life mula sa iba’t ibang Lay organization, mga paaralan, unibersidad, religious congregations at mga kalapit na diyosesis.