293 total views
Basbas ng langit ang pag-ulan sa kasabay ng pagdalaw ni Pope Francis sa Abu Dhabi sa United Arab Emirates.
Ayon kay Charice Datu-Arbolado, isang Overseas Filipino Worker, dalawang araw ng umuulan sa kanilang lugar na hindi karaniwan sa disyerto.
“Bihira umulan dito. Pero kahapon pa nag-uuulan hanggang ngayon. Pagdating niya umuulan sabi nga sign of blessing,” ayon kay Arbolado sa panayam ng Radio Veritas.
Si Arbolado ay 12-taon ng nagtatrabaho sa Abu Dhabi, at dating researcher ng Radio Veritas.
Isa si Arbolado sa matiyagang pumila para magkaroon ng access pass sa misang pangungunahan ni Pope Francis na gaganapin sa Abu Dhabi’s Zayed Sports City sa ika-5 ng Pebrero.
“Sakripisyo din. Pero kaya naman. Wala nga lang tulugan. May mga bus kasi naka-assign kada simbahan. Hindi advisable na magdala ng sasakyan kaya magprovide ang government ng mga bus,” dagdag pa niya.
Ayon kay Arbolado sa ika-5 ng Pebrero ay aalis ang bus papuntang Abu Dhabi ala-1 ng madaling araw at darating ng alas-4 ng umaga para sa misa na magsisimula ng alas-10 ng umaga.
Inanunsyo rin ng pamahalaan ng UAE na isang ‘holiday’ ang pagdiriwang sa mga dadalo sa misa.
Sa ulat, bago pa man ang nakatakdang misa ay naubos na ang access pass para sa dadalo sa misa na umaabot sa 135,000.
Tinatayang may higit sa isang milyon ang mga katoliko na nasasakop sa Apostolic Vicariate of Southern Arabia kabilang na ang mga mananampalataya sa UAE, Oman at Yemen kung saan mayorya ang mga Muslim.
Ito ang kauna-unahang pagbisita ng pinuno ng simbahang katolika sa Arabian Peninsula na mayorya ng mamamayan ay pawang mga Muslim.
Tema ng apostolic visit ni Pope Francis ang ‘Make me a Channel of your Peace’ na nagsisilbi ring ika-27 apostolic trip ni Pope Francis mula ng maging Santo Papa noong 2013.