208 total views
Biyaya ng Panginoon ang pagdalaw sa incorrupt heart relic ni St. Camillus De Lellis.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Dan Cancino Jr. MI, Executive Secretary ng Episcopal Commission on Health Care ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pagdalaw ng relikya ng Santo sa Philippine Heart Center at National Kidney and Transplant Institute.
Aniya, ito rin ay paalala sa mga Filipinong mananampalataya na hindi nalilimutan ng Panginoon ang Pilipinas sa kabila ng napakaraming hamon na kinakaharap ng bansa at mga pagsubok na nararanasan.
“Ang kanyang pagdating dito sa Pilipinas at sa mga pangyayari dito sa ating bansa ito ay maituturing na isang napakahalagang biyaya ng ating Panginoon, yung pagpapala ng Panginoon na hindi tayo nakakalimutan ng Panginoon,” pahayag ni Fr. Cancino sa Radio Veritas.
Ilan sa mga karanasang binanggit ng Pari ang naganap na pagsabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral sa Jolo Sulu na ikinasawi ng 22 katao habang higit sa 100 naman ang nasugatan, pagsabog sa isang Mosque sa Zamboanga City na ikinasawi ng dalawang katao, mga nakaranas ng iba’t ibang kalamidad sanhi ng kapabayaan ng tao at natural na kalamidad sa kalikasan dahil sa kalapastanganan ng tao.
Paliwanag ni Fr. Cancino, bagamat nakararanas ng kadiliman ang mundo ipinaalaala ng Panginoon sa pamamagitan ni St. Camillus De Lellis ang kaniyang habag at awa sa sangkatauhan.
“Magandang makita natin na, hindi natatapos ang buhay natin sa dilim, hindi natatapos ang buhay natin sa hirap, hindi kailaman mananalo ang karahasan, hindi kailanman mananalo ang kasalanan. Yung puso ni San Camilo ay sumisimbolo na ang panalo ay ang pag-ibig, ang liwanag at kapayapaan ng ating Panginoon,” ani ni Fr. Cancino ng Camillan Fathers.
Giit ng opisyal ng CBCP na ang pagdating ng hindi naaagnas na puso ni St. Camillus De Lellis sa Pilipinas ay magpapaalala sa ating lahat sa pagpanibago ng ating pananampalataya at nakasusunod sa kalooban ng Diyos at tagapagpapalaganap ng pag-ibig ng Panginoon.
Sa Banal na Misang isinagawa sa PHC hinimok ni Fr. Cancino ang mananampalataya na ipadama sa kapwa lalo na sa mga may karamdaman ang pag-ibig ng Panginoon sa pamamagitan ng taos-pusong pag-aaruga at pagmamahal.
Paliwanag din ng Pari na ang taong bukas ang puso sa pag ibig ng Diyos ay tunay na nagbabahagi sa kapwa at naging daluyan ng dakilang pag ibig ng Diyos para sa sangkatauhan.
Hiling ni Fr. Cancino sa mananampalataya na ipanalangin ang mga may karamdaman sa lahat ng mga pagamutan at yaong mga nakaratay sa kani kanilang mga tahanan.
Ikalawa ng Pebrero ng dumating ang higit sa 400 taong ‘incorrupt heart relic’ ni St. Camillus de Lellis sa Pilipinas at mananatili hanggang ika-31 ng Marso at inaasahang dadalaw sa iba’t ibang lalawigan sa bansa maging sa ilang mga pagamutan.