207 total views
Mga Kapanalig, katulad ng sinabi ng mga pulis sa kaso ng pagpatay kay AKO Bikol party-list representative Rodel Batocabe noong Disyembre, pulitika rin ang nakikita nilang nasa likod ng tangkang pagpatay kay Mayor Lakambini Reluya ng San Fernando, Cebu. Noong isang linggo, in-ambush ang sasakyan ng alkalde habang bumibiyahe sa Talisay, Cebu. Nakaligtas sina Mayor Reluya at dalawa pa niyang kasama, ngunit hindi ang kanyang asawa at dalawa pang tauhan. Bago ang krimen, nakatatanggap na raw ng death threats ang alkalde na muling tatakbo sa halalan sa Mayo. Maituturing nga itong kaso ng election-related violence.
Kinundena ng Malacañang ang ambush at ipinangakong gagamitin ng mga awtoridad ang “full force and effect” ng batas upang panagutin ang mga kandidatong gumagamit ng karahasan, mawala lamang ang kanilang mga makakalaban. Huwag naman sana ngunit hindi malayong madagdagan pa ang ganitong mga pangyayari habang papalapit tayo sa araw ng halalan. Ayon sa Philippine National Police o PNP, may 18 bayan at siyudad na itinuturing nilang “areas of grave concern” ngayong eleksyon, samantalang dalawang lugar na ang opisyal nang tinawag na “hotspot” ng Commission on Elections o Comelec. Ngunit hindi lamang ang mga lugar na ito ang babantayan ng awtoridad. Ngayong nagsimula na ang election period, mas hihigpit ang pagbabantay ng mga pulis. Mahigit 18,000 pulis ang ipakakalat sa buong bansa at maraming checkpoints ang ilalagay sa mga pangunahing lansangan. Umiiral na rin ang gun ban, ngunit maaari pa ring kumuha ng bodyguards ang mga kandidato basta’t may permiso sila mula sa Comelec. Sapat kaya ang mga ito upang hindi na maulit ang nangyari kina Congressman Batocabe at Mayor Reluya?
Mga Kapanalig, ang malayang halalan ay mapayapang paraan ng pakikilahok nating mga mamamayan sa ating lipunan. Hindi dahas at bala kundi balota ang gamit natin upang piliin ang mga mamumuno sa atin at upang papanagutin sila sa pamamagitan ng pagpili ng mga taong mas karapat-dapat kaysa sa kanila. Itinuturing maging ng mga turo ng Simbahan ang malayang halalayan bilang porma ng social control sa ating mga lider. Kaya’t nakadidismayang mga pulitiko mismo—lalo na ang mga ganid sa kapangyarihan—ang dumudungis sa kapayapaang itinataguyod ng malaya at demokratikong halalan.
Pagkakataon para sa ating mga botante ang panahon ng kampanya upang kilatisin ang mga nais makuha ang ating boto. At maliban sa kanilang plataporma at track record, maging batayan nawa natin sa pagboto ngayong Mayo ang pagkiling ng mga kandidato sa kapayapaan at sa pagtataguyod ng buhay ng tao. Hamon ito sa kasalukuyan nating kalagayan dahil marami sa mga lider natin ang nais pairalin ang karahasan at takot sa ating bayan o pinipiling manahimik sa harap ng kaliwa’t kanang patayan. Ngunit hindi ito dahilan upang hindi natin piliin ang mga kandidatong naniniwalang posible ang isang pulitikang malinis at nagsusulong ng kapayapaan.
Sa madaling salita, patunay na hindi dalisay ang hangarin ng mga kandidatong nais maglingkod sa taumbayan kung hindi nila sinusunod ang mga tuntunin sa panahon ng eleksyon gaya ng paggamit ng armas o armadong grupo sa ngalan ng kapangyarihan. Hudyat sana iyon ng hindi natin pagboto sa kanila.
Mga Kapanalig, nakasalalay sa ating mga botante hindi lamang ang tagumpay ng idaraos na eleksyon kundi ang pagkakaroon ng pulitikang nagsusulong ng kapayapaan at nagtataguyod ng kasagraduhan ng buhay ng tao. Kasama tayo sa mga nananawagan para mabigyan ng katarungan ang mga pulitiko at inosenteng biktima ng karahasang dala ng marumi at makasariling pamumulitika. At kasabay ng pananalangin para sa mapayapa at malinis na eleksyon sa Mayo, piliin natin ang mga pangalan sa ating balota na malinis lumaban at naninindigan para sa buhay ng tao at sa kapayapaan.