254 total views
Ito ang inihayag ng Kaniyang Kabanalan Francisco sa homiliya sa Banal na Misang isinagawa sa United Arab Emirates noong ikalima ng Pebrero, 2019.
Ayon sa Santo Papa, ito ang mensaheng ipinaabot ni Hesus sa sanlibutan sa kaniyang mga pangangaral batay sa inilahad ng Ebanghelyo ni San Mateo.
Ipinaliwanag ni Pope Francis na kung kaisa ng tao si Hesus at isinasabuhay ang Kaniyang mga pangaral at Salita, lahat tayo ay pinagpala ng Diyos.
“If you are with Jesus, if you love to listen to his word as the disciples of that time did, if you try to live out this word every day, then you are blessed,” bahagi ng pagninilay ng Santo Papa.
Sinabi ng Santo Papa na bukod sa mga katuruan ng Panginoon, mahalaga rin na malaman ng tao na tayo ay kaisa ni Hesus na mga anak ng Diyos Ama.
Inihayag ng Pinunong Pastol ng Simbahan na ang tunay na Kristiyano ay namumuhay sa kagalakan dahil sa ipinagkaloob na walang hanggang pag-ibig na ipinadama ng Diyos Ama sa bawat isa.
Umaasa si Pope Francis na mauunawaan ng tao ang mga halimbawang ipinakikita ni Hesus kung paano ibinahagi ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sambayanan.
“Let us look at how Jesus lived: poor in respect to things, but wealthy in love; he healed so many lives, but did not spare his own. He came to serve and not to be served; he taught us that greatness is not found in having but rather in giving. Just and meek, he did not offer resistance, but allowed himself to be condemned unjustly. In this way Jesus brought God’s love into the world.” mensahe ng Santo Papa
Ipinaalala ng Santo Papa na ang dakilang pagmamahal ng Panginoon ang bukod tanging sandata ni Hesus nang talunin nito ang takot, kasalanan, kamatayan at mga makamundong bagay na kinahuhumalingan ng tao.
Samantala, hinimok ni Pope Francis ang bawat isa na maging tagapagdala ng kapayapaan sa bawat komunidad bilang kaisa sa misyon ni Hesus na palaganapin ang kapayapaan sa mundo.
Iginiit ng Santo Papa na higit na pinagpapala ng Panginoon ang mga nagtataguyod ng kapayapaan tulad ng ginawa ni Hesus na nangangaral sa iba’t ibang dako upang mapalaganap ang kapayapaan sa mundo.
Sa pagpupulong nina Pope Francis at Al-Azhar Grand Imam Ahmed El-Tayeb, nilagdaan ang Document on Human Fraternity, dokumentong makatutulong sa pagtamo ng kapayapaan.
Binigyang diin ng Pinunong Pastol ng Simbahang Katolika na ang karunungan at pagiging matapat ang daan tungo sa pagkamit ng kapayapaan sa lipunan.
Ang makasaysayang pagbisita ni Pope Francis sa United Arab Emirates ay nagtapos sa Banal na Misa sa Zayed Sports City na dinaluhan ng higit sa 100, 000 mananampalatayang Katoliko na karamihan ay mga Filipino.