183 total views
May magagawa ang bawat isa upang manindigan para sa ikabubuti ng bayan.
Ito ang inihayag ni Nardy Sabino, tagapagsalita ng Promotion of Church Peoples Response (PCPR) sa mga maaring gawing hakbang ng mamamayan upang ipakita ang paninindigan sa katotohanan, katarungan at kapayapaan na matagal ng hinahangad ng bawat isa para sa bayan.
Paliwanag ni Sabino, maaring ipahayag ang paninindigang ito sa sariling pamamaraan tulad na lamang ng pagpo-post sa kani-kanilang social media accounts, pagsisindi ng kandila at pag-aalay ng panalangin.
Sa ganitong paraan ayon kay Sabino ay maipapamalas sa bayan na mayroong ng liwanag sa gitna ng kadiliman sa bansa dulot ng karahasan, kaguluhan at kasinungalingan sa lipunan.
“Puwede po nating ipahayag yung atin pong kapahayagan para sa katotohanan, kagustuhan na magkaroon ng katotohanan, kagustuhan na magkaroon ng katarungan at yung pagnanais ng kapayapaan sa ating bayan magpost po tayo sa facebook, manalangi po tayo at kung maari po magtirik po tayo ng kandila bilang simbolo ng ating pagiging liwanag sa ating bayan,” bahagi ng pahayag ni Sabino sa panayam sa Radyo Veritas.
Nauna ng nagpahayag ng suporta ang PCPR sa pagtindig at paninindigan ng ilang mga Obispo laban sa mga marahas na mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte partikular na laban sa mga lingkod ng Simbahang Katolika.
Giit ni Sabino, mahalaga ang paninindigan ng mga Obispo at iba pang lingkod ng Simbahan bilang moral compass ng lipunan sa pamamagitan ng patuloy na pagpapaalala at pagsusulong ng Ebanghelyo at Mabuting Balita ng Diyos.
Sa tala, sa ilalim ng Administrasyong Duterte umabot na sa 3 pari ang napaslang habang higit naman sa 20 libo ang bilang ng mga pinatay dulot na rin ng war against drugs policy ng pamahalaan.