129 total views
Inanyayahan ni Father Dan Cancino, MI, Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Health Care ang mga mananampalataya lalo na ang mga may karamdaman na dumalo sa banal na misa para sa World day of the sick ngayong araw ika-11 ng Pebrero.
Ayon sa Pari, isa itong pambihirang pagkakataon dahil kasabay ng pagdiriwang ay naririto din sa Pilipinas ang Heart Relic ni St. Camillus de Lellis, ang patron ng mga maysakit, mga ospital at mga manggagamot.
Naniniwala ang pari, na sa pamamagitan ng panalangin at pananalig ay mapagkakalooban ng kagalingan ang mga mananampalatayang lumalapit sa Panginoon, sa pamamagitan ni St. Camillus.
Hinimok din nito ang mga mananampalataya, na ipagdasal ang mga dumaraan sa pagsubok ng karamdaman, upang maibsan ang dinaranas nilang sakit at tuluyan nang gumaling.
“Ngayon pong araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang World Day of the Sick ang pandaigdigang araw ng mga may karamdaman o may sakit, bigyan po natin sila ng importansya pansinin natin ang kalagayan ng ating mga kapatid na may karamdaman at nawa ipagdiwang natin ito ipagdasal natin sila pumunta po tayo sa ating mga parokya.” paanyaya ni Father Cancino.
Samantala, inanyayahan din ng Pari ang mga mananampalataya na bisitahin ang incorrupt heart ni St. Camillus na bibisita ngayong araw sa Immaculate Concepcion Cathedral ng Diocese of Cubao.
“Inaanyayahan ang lahat ng ating mga kapanalig na dumalo sa Immaculate Concepcion Cathedral ng Diyosesis ng Cubao. Ating ipagdiwang ang World Day of the Sick at tayo po ay mayroong misa ng alas gis ng umaga at alas singko ng hapon. Dadalaw din ngayong araw na ito ang patron ng mga maysakit si San Camillus de Lellis, nandirito po sa bansa ang kanyang incorrupt heart relic.” Dagdag pa ng Pari
Magkakaroon ng banal na misa para sa mga maysakit sa ganap na alas gis ng umaga at susundan ito ng vigil at veneration hanggang sa ika-10 ng gabi, at alas syete naman ng umaga, ika-12 ng Pebrero ay ibabalik na ang heart relic ni St. Camillus sa St. Camillus Provincialate, Loyola Heights Quezon City.