156 total views
Ang pamahalaan ay para sa lahat at hindi para sa mga piling mamamayan lamang.
Ito ang binigyang diin ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Mission kaugnay sa nagaganap na kawalang katarungan at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Iginiit ng Obispo na dapat na makita ng mga opisyal ng pamahalaan ang sama-samang paninindigan ng mamamayan laban sa nagaganap na kawalang katarungan sa bayan.
Ipinaliwanag ni Bishop Bastes na kailangang maging patas sa pagpapatupad ng anumang batas at mga panukala ang pamahalaan na dapat na mapakinabangan ng bawat mamamayan mapa-mahirap man o mayaman.
“Pamahalaan, tingnan niyo may mga tao na nagkakaisa upang ipahayag ang mga reklamo sa inyo, ang mga mali na ginagawa sa gobyerno sana ang gobyerno para sa lahat hindi lamang sa mga mayayaman, hindi lamang sa mga tao na nag-ienjoy ng mabuting kapalaran…” pahayag ni Bishop Bastes sa panayam sa Radyo Veritas.
Pinayuhan ng Obispo ang pamahalaan na bigyang prayoridad ang kalagayan ng may 80-porsyento ng mamamayang Filipino na labis na dumaranas ng kahirapan at kawalan ng sapat na pagkain sa hapag sa pang-araw-araw.
Si Bishop Bastes ang isa sa mga Obispo ng Simbahang Katolika na hayagang pumupuna sa mga nagaganap na kaguluhan sa bansa partikular na laban sa mga naging kontrobersyal na pahayag ng Pangulong Duterte laban sa Simbahan at maging mga iba pang mga lingkod nito.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, sinasabing ang pag-unlad sa ekonomiya ng bansa ay kinakailangang maging pangunahing konsederasyon kasabay ng pag-unlad sa buhay ng mga mahihirap at pagtiyak sa panlipunang katarungan at benepisyo ng pantay-pantay.