242 total views
Umaasa ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na gamiting pagkakataon ng mga kabataan ang ‘Year of the Youth’ sa pagtugon sa pangangailangan ng kapwa lalo na sa mga kapus-palad.
Ayon kay CBCP Vice-President, Kaloocan Bishop Pablo Virgilio David, mahalagang matuklasan ng kabataan ang mga gawaing Simbahan na magpapalago sa pananampalataya tulad ng mga debosyon.
Giit ng Obispo, mararamdaman ang pagmamahal ng Diyos sa tao kung ipinakikita ng bawat isa ang kabutihan sa kapwa lalo na sa mga naisasantabi sa pamayanan.
“Sana itong Year of the Youth, kung ibig nating maramdaman na tayo’y minahal ng Diyos at tayo ay pinagkalooban ng Diyos then, sana matuklasan ninyo ang mga debosyon na tulad ng Divine mercy na siyang magtuturo sa atin na mabuksan ang ating isip at ating puso sa ating kapwa lalong lalo na sa mga kapos palad sa ating lipunan,” pahayag ni Bishop David sa Radio Veritas.
Tulad ng sinasaad sa Banal na Kasulatan sa ebanghelyo ni San Lukas 6:20 nang sinabi ni Hesus sa Kaniyang mga alagad na mapapalad ang mga mahihirap sapagkat sila’y pinaghaharian ng Diyos, hinikayat ni Bishop David ang bawat mananampalataya lalu na ang kabataan na buksan ang isipan upang makita ang layunin sa buhay-ang pagbahagi sa dakilang pag-ibig ng Panginoon sa sangkatauhan.
Binigyang diin ni Bishop David na sa tulong ng habag at awa ng Panginoon, lalawak ang isipan ng mananampalataya na unawain ang mga pangyayari at pinagdadaanan ng kapwa.
“Ito yung pupukaw at magbubukas din ng ating kakayahang makita ang layunin natin sa buhay,” dagdag ni Bishop David.
Sa tala, may 20 porsyento sa higit 80 milyong Katoliko sa Pilipinas ay pawang kabataan na may edad 15 hanggang 24 na taong gulang na nahaharap sa iba’t ibang suliranin sa lipunan.
Dahil dito mas pinalakas ng Simbahan ang mga programang tutugon sa pangangailangan ng kabataan at mahubog tungo sa pagiging mabuting ehemplo ng lipunan at nakahandang mamumo sa Simbahan at komunidad na kinabibilangan sa susunod na henerasyon.
Ang deklarasyon ng Taon ng Kabataan na magtatapos sa ika – 24 ng Nobyembre 2019 ay bahagi ng paghahanda ng ikalimang sentenaryo ng Katolisismo sa Pilipinas sa 2021 kung saan hinikayat din ang mga kabataan na makiisa sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon gamit ang makabagong teknolohiya.