185 total views
Pinaalalahanan ni Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care Exeutive Secretary Father Dan Vicente Cancino, Jr. M.I. ang mga mamamayan lalo na ang mga kabataan na iwasan ang “risky behavior” ngayong ipinagdiriwang ang araw ng mga puso.
Binigyang diin ng Pari na mahalagang sariwain ng bawat isa ang regalo ng Panginoon na Human Sexuality.
Ipinaliwanag ni Father Cancino na hindi lamang ito tungkol sa pisikal na sekswalidad ng bawat tao kungdi higit na tumutukoy sa relasyong nakabatay sa Diyos na nagpapahalaga sa tao.
“Huwag po sana nating ilagay ang ating buhay ang ating kalusugan sa hindi maganda at tayo po ay magkakaroon ng risky behavior.ating sariwain ang napakagandang regalo ng ating Panginoon na tinatawag nating Human Sexuality na ang ating Sekswalidad ay hindi lamang physical ito din ay nangangahulugan na meron din dapat na relationship na nakabatay sa Diyos ng buhay at relationship na nakabatay sa pagpapahalaga ng tao.” pahayag ni Father Cancino sa Radyo Veritas.
Umaapela din ang pari sa mamamayan na pataasin ang kanilang kamalayan sa mga usaping panlipunan na may kaugnayan sa kalusugan tulad ng pagdami ng kaso ng HIV/AIDS, ang suliranin sa mental health ng mga kabataan at ang lumalaganap na measles outbreak.
Ayon kay Father Cancino, “Prevention is better than cure,” kaya naman mahalagang magkaroon ng tamang kaalaman at mabigyang edukasyon ang mas maraming Filipino kaugnay sa iba’t-ibang usaping pangkalusugan.
Sa datos ng Philippine National AIDS Council, mula noong 1984, aabot na sa mahigit 50,000 ang kaso ng HIV na naitala, at mahigit kalahati sa mga ito ay naitala nitong huling limang taon.
Karamihan sa mga nagpositibo ay may edad 15 hanggang 34, habang mayroon nang mahigit 2,500 ang naitalang namatay dahil sa dahil sa HIV.