415 total views
Bawat isa ay kabilang sa misyon ni Kristo!
Ito ang mensahe ng ni Cebu Archbishop Jose Palma kasabay ng pag-anyaya sa kabataan na makibahagi sa National Youth Day sa Abril na gaganapin sa Cebu City.
Ayon kay Archbishop Palma, ang pagtitipon ng mga kabataan sa bansa ay pagpapakita ng pagpapahalaga sa mga tradisyong ginagawa ng Simbahan tulad ng NYD.
Giit ng arsobispo ito ay mahalagang pagtitipon sapagkat sama-sama ang mga kabataan sa iba’t ibang mga gawain ng NYD na makakatulong para mapagtibay ang kanilang pakikiisa sa misyon ng Simbahang Katolika.
“Okasyon ito upang mapagnilay-nilayan natin as we pray together, make various activity together, kabilang tayo sa misyon ni Kristo,” pahayag ni Archbishop Palma sa Radio Veritas.
Nagpahayag ng malugod na pagtanggap ang Arsobispo sa mahigit 10, 000 delegado ng National Youth Day na gaganapin sa lalawigan ng Cebu sa ika – 23 hanggang 28 ng Abril.
Paliwanag ni Archbishop Palma na ang nasabing bilang ay nagpapakita ng pakikiisa ng kabataan sa gawain ng Simbahan lalo na’t idineklara ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang Year of the Youth bilang paghahanda sa nalalapit na ika-5 sentenaryo ng Kristiyanismo sa bansa sa 2021.
Dagdag pa ni Archbishop Palma, mahalagang malaman ng kabataan na sila ay kayamanan ng ating Simbahan at ito rin ang inaasahang mamumuno sa mga susunod na henerasyon.
“Napakaganda na malaman ng mga youth at lahat po tayo na salamat sa Diyos we are loved, beloved, salamat sa Diyos we are blessed, we are gifted but the blessing is also an invitation to share what we receive,” dagdag ni Archbishop Palma.
Ginaganap ang National Youth Day tuwing ikatlong taon kasunod ng World Youth Day upang mabigyang pagkakataon ang mga kabataan sa bansa na hindi nakadalo sa pandaigdigang pagtitipon.
Tema ngayong taon ang ‘We Are Servants of the Lord’ batay na rin sa tema ng WYD sa Panama na ‘I am the servant of the Lord. May it be done to me according to your word’ na hango sa ebanghelyo ni San Lukas kabanata 1 talata 38.