416 total views
Nanawagan sa mga botante ang iba’t ibang election watchdogs sa bansa na maging mapanuri sa paraan ng pangangampanya ng mga kandidato sa nakatakdang May 2019 Midterm Elections.
Ayon kay Atty. Rona Ann Caritos, Executive Director of Legal Network for Truthful Elections (LENTE) at Chairman ng Task Force Election, sinasalamin ng paglabag sa panuntunan ng pangangampanya sa halalan ng mga kandidato ang kanilang integridad sa paraan ng pamamahala sa oras na mahalal na sa pwesto.
“Yung sinasabi namin sa mga tao kung bakit huwag na nilang iboto yung mga nagpi-premature campaigning or early campaigning, may loophole sa batas na tini-take advantage ng mga kandidatong ito at kapag ngayon palang ay marunong na silang mag-take advantage or magtingin ng mga butas sa batas ay paano pa kaya kung sila ay nasa pwesto,” ang bahagi ng pahayag ni Atty. Caritos sa panayam sa Radyo Veritas.
Sa inisyal na pagsusuri ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) bago pa man magsimula ang Campaign Period noong ika-12 ng Pebrero ay tinatayang umabot na sa P2.4 na bilyon ang halaga ng Campaign Ads ng mga kandidato mula January 2018 hanggang January 2019.
Hindi rin magkakatugma ang halaga ng inisyal na gastos ng mga kandidato sa kanilang idineklarang SALN o Statement of Assets, Liabilities and Net worth.
Kasabay ng paggunita ng Simbahang Katolika sa ‘Taon ng Kabataan’ ay mariing tinatawagan ng simbahan ang mga kabataan na aktibong makibahagi sa mga usaping panlipunan lalu na sa nakatakdang halalan dahil sa malaking papel na ginagampanan para sa kinabukasan ng bayan.
Sa tala ng COMELEC, 20-milyon mula sa 60 milyong rehistradong botante ay mga kabataan nasa edad 18 hanggang 35 taong gulang.