172 total views
Nanawagan ng pakikiisa ang Archdiocese of Cagayan de Oro para sa simultaneous “Walk for Life” kung saan makikibahagi rin ang arkidiyosesis.
Ayon kay Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma, layunin ng nakatakdang pagkilos na maitaguyod ang dignidad ng buhay ng bawat indibidwal na regalo ng Panginoon sa sangkatauhan.
Iginiit ng Arsobispo na kailangang protektahan ang buhay maging ng mga sanggol sa sinapupunan at ang buhay ng mga nagkasala sa lipunan.
Inihayag ni Archbishop Ledesma na bagamat kinakailangan maipatupad ang umiiral na batas sa bansa ay kinakailangan matiyak na hindi nito malalabag ang anumang karapatan ng mga mamamayan.
“We certainly would like to invite everyone especially sa mga ministries natin to join this Walk for Life it is a common demonstration of our promotion of the dignity of every human being and the life that is given as a gift of God to all of us, so itong Walk for Life is really a way to say na we would like to also defend the rights of the unborn, the rights of people who are unjustly condemned to death and also that we should respect due process and promoting the dignity of human life and we hope that our ministry groups, the religious organizations and other shall also join the Walk for Life…” paanyaya ni Archbishop Ledesma sa panayam sa Radyo Veritas.
Nakatakda ang Walk for Life sa ika-16 ng Pebrero sa Quezon City Memorial Circle na magsisimula ganap na alas-4 ng madaling araw na pangungunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Bukod sa Archdiocese of Cagayan de Oro makikibahagi rin sa nakatakdang simultaneous Walk for Life ang Diocese of Tarlac, Archdiocese of Lingayen-Dagupan, Archdiocese of Cebu at Archdiocese of Palo.
ISULONG ANG DIGNIDAD NG BUHAY SA GITNA NG KAGULUHAN AT KAWALANG TIYAKAN
Sinabi ni Archbishop Ledesma na maraming kaso ng extra-judicial killings ang hindi pa rin nabibigyan ng katarungan.
Inihayag rin ng Arsobispo na kinakailangan rin ng lalawigan ng panalangin para sa pagkakaroon ng ganap na kapayapaan kasunod ng takot at pangambang naidulot ng naganap na kaguluhan sa Marawi City at tensyon na bunga naman ng katatapos pa lamang na Plebisito para sa Bangsamoro Organic Law.
PAGTATANGGOL SA KALIKASAN
Hinimok rin ni Archbishop Ledesma ang bawat isa na isama sa panawagan at panalangin sa nakatakdang Walk For Life ang pangangalaga sa kalikasan sa pagpapalalim ng kamalayan kaugnay sa Ensiklikal ni Pope Francis na Laudato Si.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na ang pagtataguyod sa pangangalaga ng kalikasan ay mayroon tuwirang kaugnayan sa pangangalaga sa dignidad ng buhay ng bawat indibidwal.
“That is another issue that we would like to push forward yung Laudato Si awareness on protecting the environment although sad to say not many people are aware of the urgency of the situation, sa amin naman we need to protect the watershed area after Typhoon Sendong in Cagayan de Oro that wash away many home so this is all interrelated our awareness of life and protection of the environment…” dagdag pa ni Archbishop Ledesma.
Partikular na hinikayat ni Archbishop Ledesma ang mga kabataan na makibahagi sa nakatakdang Walk For Life upang maagang mamulat sa pagiging aktibong tagapangalaga sa biyayang buhay ng Panginoon sa sangkatauhan.
“We are also encouraging our young people especially they are also going to be the future leaders of their communities, itong Walk for Life it is awareness for everyone also…” Apela ni Archbishop Ledesma.
Batay sa tala, may mahigit sa 1.4-na milyon ang bilang ng mga mananampalatayang Katoliko sa Archdiocese of Cagayan de Oro na pawang tinatawagan upang manindigan sa katotohanan at maging katuwang sa misyon ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon.