237 total views
Ito ang ipinakitang pagkakaisa ng mga layko at ilan pang pro-life group na dumalo sa isinagawang Walk for Life sa Quezon City Circle- para bigyang tinig ang pagtatanggol kasagraduhan ng buhay.
Ang Walk for Life ay isang taunang pagtitipon ng mga layko sa pagsusulong sa kasagraduhan, pangangalaga at dignidad ng buhay ng tao.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity nawa ang pagtitipon na ito ay maging pamantayan din ng pagpili sa mga kandidato sa nalalapit na halalan sa mayo.
“So this is a prayer power and continue to pray and prayer is effective. Lalung-lalo na sa concerns natin at turuan din natin ang mga bata, mga kabataan to pray for life for the issues that are confronting us but we have the people power, we have the prayer power, can we translate that into the vote power? Sa pagboboto?,” ayon sa panawagan ni Bishop Pabillo.
Ang pagboto ayon sa obispo ay isang pakikibahagi ng mga layko sa pulitika at kapangyarihan para sa pagbabago ng lipunan.
“So translate that into vote power. At sinabi satin ni Pope Benedict that the participation of the lei faithful in politics is an essential way in order to evangelize society. We are evangelizing and transforming society lalong lalo na sa pakikiisa natin during elections is not the only way but Is an important way to exercise our political participation,” ayon pa kay Bishop Pabillo.
Paliwanag pa ni Bishop Pabillo, ang pagboto ay isang karapatan kung saan pantay ang karapatan ng bawat mamamayan na pumili ng ihahalal.
Sa tala ng Comelec, may kabuuang 60 milyong rehistradong botante ang inaasahang makikibahagi sa may 2019 midterm elections kung saan may 18 libo ang mga pupunan na posisyon, kabilang na ang 12 senador, 59 na party-list representatives at mga posisyon ng mga lider sa lokal na pamahalaan.
Pakikibahagi ng kabataan
Hinikayat din ni Bishop Pabillo ang kabataan na patuloy na makibahagi sa Walk for Life.
Ayon sa obispo, tuwinang may usapin laban sa buhay na kinakailangan na ang kabataan na manindigan, ipagtanggol at ipaglaban.
“Mga kabataan na pwedeng gawin natin ito taon taon. Na sabihin niyo sa inyong mga anak at kailangan po talaga natin gawing taon-taon at mas lakasan pa ang boses natin kasi sa ngayon po from our Walk for Life last year 2018, hanggang ngayon may mga bagong issues po na laban sa buhay sa ating panahon,” ayon sa obispo.
Kabilang dito ang mga usapin sa kalikasan, ang pagtutol sa pagbaba ng age of criminality at ang extrajudicial killings.
“So mas lumala ngayon ang mga legislation against death at ngayong taon mayron tayong election na sana’y papakita natin ang paninindigan natin sa buhay ay lalabas din sa ating boto. Kaya really we need to remind one another and to remind society about the promotion and protection of life na yan ay mahalaga kaya pwede ba taon taon ay gawin na natin? At mas marami na tayo,” giit pa ni Bishop Pabillo.
Ngayong taon ay ipinagdiriwang ng simbahang katolika ang ‘Year of the Youth’ na bahagi ng paghahanda sa ika-500 ng kristiyanismo sa bansa- na nagbibigay ng tuon sa kakayahan at bahagi ng kabataan sa simbahan at lipunan.
Una na ring nanawagan ang Santo Papa Francisco sa kabataan na huwag matakot na manindigan at maglingkod sa Diyos at sa kapwa.