185 total views
Hinimok ng pinunong pastol ng Archdiocese ng Rabat sa Morocco ang mga Filipino sa lugar na ipagpatuloy ang pagsasabuhay sa pananampalatayang Katoliko sa kanilang mga trabaho at sa pakikitungo sa mga mamamayan sa Morocco.
Ayon kay Archbishop Cristobal Lopez Romero, bagamat maliit ang populasyon ng mga Filipino sa nasabing bansa ay buhay na buhay ang kanilang pananampalataya.
“The Filipino colony in Morocco is small, but alive and committed. My message to them is that they continue to live their faith and give testimony of it in their living and work environments, especially in their relationship with the Moroccans and also with other Christians,” mensahe ni Archbishop Romero sa Radio Veritas.
Hiniling ng Arsobispo sa humigit kumulang 5, 000 Overseas Filipino Workers sa Morocco na maging bukas sa pakikipagkapwa maging Kristiyano man o Muslim bilang patunay na ang Simbahang Katolika ay pangkalahatan at buhay na buhay saan mang dako ng daigdig.
Ang pahayag ni Archbishop Romero ay kaugnay sa nalalapit na pagbisita ni Pope Francis sa Morocco sa ika – 30 hanggang ika – 31 ng Marso alinsunod sa paanyaya ng pamahalaan ng Morocco sa pamumuno ni King Mohammed VI.
PAGPAPATIBAY NG PANANAMPALATAYA
Inihayag Sinabi pa ni Archbishop Romero na isang pambihirang pagkakataon sa Simbahang Katolika sa Morocco ang pagdalaw ng Santo Papa sa bansa dahil isinasabuhay nito ang misyong iniatang ni Hesus kay San Pedro na pagtibayin ang pananampalataya ng sangkatauhan.
“We look forward to Pope Francis as ‘Servant of Hope’, which is the motto of this visit; and we are sure that he will encourage our hope, hope in a new world where we are all brothers,” dagdag pa ni Archbishop Lopez.
Naniniwala ang Arsobispo na ang pagbisita ng Santo Papa ay magpapalago sa pagmimisyon batay sa tatlong dimension ng buhay Krisitiyano ang Pananampalataya, Pag-asa at Pagkakawanggawa.
Umaasa rin ang pinuno ng Arkidiyosesis ng Rabat na maisakatuparan ang pag-uusap sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim batay na rin sa panawagan ng Simbahang Katolika.
Sa tala ng pamahalaan ng Morocco, sa mahigit 30 milyong populasyon nito karamihan ay mga Muslim habang halos higit sa isang porsyento lamang ang mga Katoliko.
Tiwala ang Arsobispo na mahimok ang mga Muslim sa pagdalaw ng Pinunong Pastol ng Simbahang Katolika na makipagtulungan sa pag-uusap para sa kapayapaan at pagkakaisa.
“I trust that the Pope’s visit will ratify us in this endeavor and will encourage us to continue, and that the spirit of many Muslims will also open up to this dialogue of friendship, love and mutual understanding,” ani ng Arsobispo.
MGA GAWAIN SA APOSTOLIC VISIT
Sa pagbisita ng Santo Papa, nakatakdang makipagpulong ito sa mga migranteng sub – Saharan, interreligious meeting kasabay ng pagdalaw sa Formation Institute ng mga Imam at ilang tagapagturo ng Islam.
Bibisitahin din ni Pope Francis ang Caritas Center sa Rabat upang makihalubilo sa mga manggagawa at volunteers dito at ang Rural Center for Social Services sa Temara Morocco.
Nakatakda ring makipagpulong ang Santo Papa sa mga Pari at relihiyoso sa Arkidiyosesis kasama ang ilang Ecumenical Council of Churches ng Rabat at Banal na Misa na dadaluhan ng mga Kristiyano sa nasabing bansa.
Ito rin ay napapanahon lalo’t katatapos lamang ng Apostolic Visit ng Santo Papa sa kauna-unahang pagkakataon sa United Arab Emirates at nakiisa sa isinagawang International Interfaith Meeting kung saan malugod itong tinanggap ng pamahalaan ng UAE.