431 total views
Tiniyak ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Clergy na puspusan ang ginagawa ng Simbahan na pagbabago at pagtatama sa mga mali na nagawa ng mga lingkod ng institusyon na hindi karaniwang naisasapubliko.
Ipinaliwanag ni Diocese of San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, Chairman ng kumisyon na hindi lahat ng bagay ay dapat na isapubliko.
Iginiit ng Obispo na mas mahalaga ang tunay na pagtugon ng Simbahan sa mga problema sa halip na pagandahin ang imahe sa mata ng publiko.
“Kung may dapat baguhin at i-correct ng Simbahan, yan ay ginagawa pero hindi naman pina-publicized pa dahil hindi naman kailangan yun basta merong nangyayaring pagbabago dahil nga Simbahan…” pahayag ni Bishop Famadico sa panayam sa Radyo Veritas.
Unang binigyang diin ng Obispo na patuloy at regular ang repormang isinasagawa ng Simbahan upang mapaunlad ang paraan ng pagbabahagi ng Ebanghelyo at hindi lamang upang maisaayos ang institusyon dahil sa iba’t ibang mga kontrobersiya kinahaharap nito.
Ayon kay Bishop Famadico, hindi isinasantabi lalo na ng mga Obispo ng bawat diyosesis ang mga reklamo laban sa mga lingkod ng Simbahan na dumadaan sa naangkop na proseso ng pag-iimbestiga at pagpaparusa.
Kaugnay nito, nauna ng nagpatawag ng 3-araw na February Summit on Sexual Abuse sa Vatican ang Kanyang Kabanalan Francisco sa ika-21 hanggang ika-24 ng Pebrero para sa lahat ng mga Pangulo ng Episcopal Conference sa buong mundo.
Tatalakayin sa unang araw ng pagtitipon ang responsibilidad ng mga Obispo sa pagsisiyasat ng mga kaso ng pang-aabuso.
Sa ikalawang araw naman ay tututukan ang pananagutan ng mga Obispo sa dapat na pag-rereport o pagbibigay-alam ng anumang kaso ng pang-aabuso, pagsasagawa ng imbestigasyon at pagpapataw ng kaparusahan sa mga mapapatunayang may kasalanan.
Sa ikatlo at huling araw naman ay bibigyan pansin ang kahalagahan ng pagiging bukas o transparency ng Simbahan hindi lamang sa Panginoon kundi maging sa publiko.
Nabatid na isa si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga resource speaker sa Episcopal conference na pinamagatang “The Protection of Minors in the Church”.
Tatalakayin ni Cardinal Tagle sa Vatican Summit on Sex Abuse ang “Smell of the Sheep”.
Sa ganitong sistema ng pagtitipon umaasa si Pope Francis na magkaroon ng sapat na kaalaman at kakayahan ang mga Obispo sa kung ano ang dapat na gawin kaugnay sa mga kaso ng pang-aabuso ng mga lingkod ng Simbahan.