189 total views
Naaalarma na ang Commission on Human Rights (CHR) sa sunod-sunod na insidente ng ‘summary executions’ sa bansa.
Ayon kay CHR chairman Jose Luis Martin Gascon, ito ay palatandaan ng pagdami ng kaso ng paglabag sa karapatang pantao kayat kailangan ang mahigpit na pagbabantay at imbestigasyon lalo na at sinisintesiyahan ang tao nang hindi dumadaan sa mga pagdinig upang kunin ang kanilang panig.
Sinabi ng CHR chairman na lahat ng mga suspek ay kinakailangang imbestigahan, litisin, kunin ang panig at may ebidendiya na siyang itinatadhana ng Saligang Batas.
“Nakakabahala sa kasalukuyan, nakikita na natin na may ilang sensyales na pero yung message malinaw na gamitin ang pamantayan na gusto so dumarami na ang mga insidente ng narereport na ang mga suspek nadadampot pagkatapos ng ilang oras o araw, patay na, sa Bulacan, Cebu at iba pang lugar. Sinasabi ito ay drug lord at mga kriminal, nakakabahala ang ganitong senaryo na masamang tao kaya ito nangyari sa kanila, una kahit sinong tao, masama man o mabait kapag sila ay pinaparatangan na may ginawang mali kinakailangan sumailalim sa due process, bago patawan ng kaparusahan may pagdinig muna pagkakataon na maisakdal sa harap ng korte at magpaliwanag at magbigay ng ebidensiya kontra sa paratang.” Pahayag ni Gascon sa panayam ng Radyo Veritas.
Ayon pa sa CHR chairman, ang lahat ay may karapatang magbago matapos na sila ay maparusahan ng naaayon sa batas ng estado at ng Diyos.
“Maraming mga injustices na nangyayari, lahat ng tao dapat binibigyan ng pagkakataon na magpaliwanag kung nagkamali parurusahan sila malinaw yan tayo sa human rights, sa Simbahan hindi natin sinasabi na hayaan lang at walang pananagutan sa krimen dapat sila papanagtuin sa paraang binibigyan natin sila ng pagkakataon, una alamin kung nagkamli sila, magbagong buhay, pangalawa kung sakali makabalik sa lipunan at pagkatapos ng parusa, may tiwala tayo na maari pa silang magbagong buhay,” ayon pa kay Gascon.
Kaugnay nito, sa nakalap na record ni Fr. Amado Picardal- executive secretary ng CBCP-Basic Ecclesial Community, mula 1998 hanggang 2015, nasa 1, 424 katao, kung saan 57 dito mga babae ang sinasabing napaslang ng Davao Death Squad (DDS).