323 total views
Huwag hayaang masayang ang kalayaan na bunga ng Edsa People Power Revolution na naganap 33-taon na ang nakalilipas.
Ito ang mensahe ni Fr. Anton CT Pascual, Pangulo ng Radio Veritas kaugnay sa pagdiriwang ng Edsa People Power.
“Ito ngang demokrasya alagaan natin. Iyong ating institusyon ng demokrasya ay ating ingatan at huwag payagan na masalaula ng mga diktador at naghaharing uri,” ayon kay Fr. Pascual.
Hamon sa Kabataan
Isang hamon ayon kay Fr. Pascual na maipasa ang ‘Diwa ng Edsa’ sa kabataan at ang karanasan ng mamamayan ng Pilipinas sa panahon ng batas militar ng noo’y si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
“Napakahalaga na ating maipadama sa salita at sa gawa sa ating mga kabataan na ang diwa ng Edsa People Power revolution ay talagang kalayaan. Tayo ay nilikha ng Diyos na tayo’y hindi maging bilanggo ng sinuman at anuman kaya tayo ay nilikha upang maging malaya na tuparin ang plano ng Diyos sa buhay natin ito nga ang prinsipyo ng common good na kung saan ang lipunan ay magbigay ng mga oportunidad upang ang kaganapan ng tao ayon sa plano ng Diyos ay matupad. Sa pamamagitan ng edukasyon, ng trabaho, ng pagnenegosyo, pagkakaisa at malayang pagpapahayag ng kanilang kasarinlan at pangarap sa buhay,” ayon kay Fr. PAscual.
Read: 33-taon matapos ang EDSA People Power revolution, alipin pa rin ang mga Filipino
Tiniyak naman ng pari na hindi magtatapos sa Edsa People Power ang pakikibahagi ng simbahan sa pagsusulong ng katotohanan at katarungan.
Read: Sa ika-33 taon ng EDSA People Power: Patuloy na ipaglaban ang karapatan ng mga Filipino
Simbahan hindi dapat matakot
“Hindi mo maalis ang mahalagang papel ng simbahan at Radio Veritas mga panalangin ang ating active non-violence na ginawa 33-years ago na pagbabago ng ating lipunan subalit hindi pa tapos ang revolution na ito. Patuloy dapat tayong maging mga rebolusyunaryo sa mapayapang paraan,” ayon pa sa pari.
Panawagan pa ni Fr. Pascual hindi dapat matakot ang simbahan at mga layko sa kabila ng pagtuligsa ng ilan laban sa simbahan.
“Hindi tayo dapat matakot kung may mga pwersa lalu na sa pamahalaan na tumituligsa. Karapatan nila na magsalita at karapatan din natin na tumugon sa pamamagitan ng ating prophetic function kung ano ang totoo at kung ano ang kalooban ng Diyos at ang pangarap ng Diyos para sa lahat. Spagkat patuloy pa rin ang mga kasamaan na ipinaglalaban natin. Nandiyan pa ang korupsyon, kriminalidad, kahirapan at nandyan pa ang mga diktador at naghaharing uri,” dagdag pa ni Fr. Pascual.