326 total views
Pinaalalahanan ng Obispo ng Tagbilaran ang mananampalataya na suriing mabuti ang bawat kandidatong pipiliin sa darating na halalan sa ika – 13 ng Mayo.
Ayon kay Bishop Alberto Uy, kung nais ng mga Filipino ang tunay na pag-unlad ng bayan ay marapat na ihalal ang mga taong karapat-dapat na maglingkod sa kapakanan ng mamamayan.
Hinimok ng Obispo ang mga botante na huwag ibenta ang boto.
kaya’t iwasang ibenta ang boto ng bawat isa. “Kon gusto ta mo-asenso, mopili ta’g mga maayong kandidato, ug dili na nato ibaligya ang atong boto. Ang kandidato nga kusog mogasto, inig lingkod mamawi todo-todo. [Kung nais natin na umasenso, piliin natin ang mabubuting kandidato at huwag ipagbili ang ating boto. Pakatandaan na ang kandidatong gagastos ng malaki, babawi kapag nailuklok na],” mensahe ni Bishop Uy sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng Obispo na ang mga taong nagbenta ng kanilang boto sa tuwing halalan ay walang karapatan na punahin ang hindi magandang serbisyo ng mga opisyal ng bayan.
Inihayag ng Obispo na kung paiiralin ang salapi sa pagpili ng mga mamumuno sa bayan ay maraming may kakayanan ang natatalo habang nagtatagumpay ang mga hindi karapat-dapat sa posisyon.
“Kon ang eleksyon kwartahay, daghan ang mudaog nga way angay. Kon di mahunong ang pinalitay og boto, daghang buotan ug makama-o di mokandidato. [Kung ang eleksyon idinaan sa salapi, maraming mananalo na hindi karapat-dapat. Kung hindi hihinto ang pagbili ng mga boto, maraming mabubuting tao ang hindi kumakandidato],” dagdag pa ng Obispo.
Sa tala ng COMELEC may kabuuang 60 milyong rehistradong botante ang inaasahang makikibahagi sa may 2019 midterm elections kung saan may 18 libo ang mga pupunan na posisyon, kabilang na ang 12 senador, 59 na party-list representatives at mga posisyon ng mga lider sa lokal na pamahalaan.
Hinikayat naman ni Bishop Uy ang mga kandidato na ipaliwanag sa publiko ang mga plataporma at mga programang inihahanda kung sakaling mailuklok ito sa posisyon.
Binigyang diin ng Pinunong Pastol ng Diyosesis ng Tagbilaran na ang pagbabago sa lipunan ay nagsisimula sa pagbabago sa sarili.
“Sa kalibotan daghan ang angay usbon. Pero, ang pinaka-importante mao ang kaugalingon. [Sa mundo marami ang dapat na baguhin subalit higit na mahalaga ang pagbabago sa sarili],” ani ni Bishop Uy.