287 total views
Kawalan ng tiwala sa pamamaraan ng pangangasiwa at sistemang pinansyal ang mga krisis na nararanasan partikular sa pananalapi.
Ito ang pahayag ni Pope Emeritus Benedict XVI na nailimbag sa aklat na DOCAT hinggil sa mga usaping may kinalaman sa pananalapi at kabuhayan ng mamamayan.
Sinabi ng Santo Papa na ang sistema ng pananalapi, komersyo at sistema ng produksyon ay nakasalalay sa likha ng tao kaya’t taglay din nito ang ugat ng sariling pagbagsak.
Dahil dito, ikinadismaya ng grupong Bantay Bigas ang kawalan ng pakialam ng mga tumatakbong kandidato sa nalalapit na halalan sa epekto ng reporma sa pagbubuwis ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng grupo, ang pagtaas ng presyo ng ilang bilihin ay bunsod pa rin ng Tax Reform for Accelaration and Inclusion (TRAIN) Law.
“Nakalulungkot na sa lahat ng tumatakbo sa pagkasenador lalu na ang mga re-electionist at mga ine-endorso ng administrasyon ay walang posisyon sa pahirap na TRAIN LAW,” mensahe ni Estavillo sa Radio Veritas.
Batay sa pagsusuri ng grupo sa mga pamilihan, 59 na mga produkto ang nagtaas ng presyo ng tulad ng gatas, sardinas, kape, mga sabon at iba pa dahil sa pagpatupad sa ikalawang bahagi ng TRAIN Law.
Sa mensahe ng Kaniyang Kabanalan Francisco sa Pandaigdigang pagtitipong Pang-ekonomiya noong 2014, hiniling nito sa bawat isa na tiyaking ang sangkatauhan ay pinaglilingkuran ng kayamanan at hindi pinaghaharian nito.
Kaugnay dito nanawagan ang Bantay Bigas sa pamahalaan na ihinto ang pagpapatupad ng TRAIN Law upang maibsan ang paghihirap ng mga Filipino lalo na ang mga walang sapat na pinagkakakitaan dahil sa labis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kasabay nito ang panawagan na ipatupad ang 750 pisong minimum wage sa mga manggagawa upang matulungan ito sa araw-araw na pamumuhay.