679 total views
Binigyang diin ni Rev. Fr. Oliver Castor – Spokesperson ng Rural Missionaries of the Philippines ang mahalagang papel ng mga Katoliko sa pagbabantay sa isinasagawang rehabilitasyon ng Manila Bay.
Ayon sa Pari, hindi lingid sa kaalaman ng mananampalataya ang panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Encyclical nitong Laudato Si kaugnay sa pangangalaga sa kalikasan.
Binigyang diin ng Santo Papa ang pagpapahalaga sa yamang tubig, at ang importansya nito sa buhay ng bawat nilalang sa mundo.
Dahil dito, naniniwala si Father Castor na kinakailangang kumilos at makiisa ang mga Katoliko sa mga organisasyong nagbabantay sa maayos at wastong rehabilitasyon ng Manila Bay.
“Bilang taong simbahan, at bilang pagtugon sa bahagi ng hamon ng ebanghelyo na pangalagaan ang buhay, pangalagaan ang san nilikha ay ang pagpoprotekta ng ating mga yamang dagat kaya dapat lamang na ang taong simbahan ay sumama sa anu mang kilusan para protektahan pangalagaan at ipagtanggol ang kalikasan.” Pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Sinabi ni Father Castro na kabilang sa mga dapat bantayan ang matagal nang banta ng reklamasyon sa karagatan.
Base sa mga pag-aaral ng Non-Government Organizations malaki ang posibilidad na matuloy sa ilalim ng administrasyong Duterte ang pagpapatayo ng mga bagong casino at iba pang business establishments sa pamamagitan ng pagsasagawa ng reclamation.
Dahil dito, nilinaw ng pari na pabor ang simbahan sa paglilinis ng Manila Bay subalit hindi ito pabor sa reklamasyon.
“Hindi kami tutol sa rehabilitation, dapat nga yun kasi bahagi yun ng protecting and safeguarding, ang ating pinangangambahan at mayroon nang mga patunay base sa mga pag-aaral ng siyentipiko ay ang itinutulak na rehabilitasyon ay mayroon sa likod na nakabinbin sa mahabang panahon na reclamation projects ng Manila Bay, na mahigpit nating dapat tutulan sapagkat ito ay salungat doon sa pangunahing layunin na pangalagaan ang kalikasan lalo na ang yamang tubig [at] ang makikinabang ay hindi naman ang mga mamayan kundi ang mga negosyante.” dagdag pa ng Pari.
Ika-27 ng Enero nang sinimulan ng Manila Bay Inter-Agency Taskforce ang paglilinis sa dagat.
Sa kasalukuyan umabot na sa 63 establisyamento ang napatawan ng LLDA ng mga paglabag simula ng umpisahan ang rehabilitasyon ng Manila Bay, kabilang dito ang 16 na cease and desist orders, 12 ex-parte orders at 35 notice of violations.
Sa Encyclical na Laudato Si ni Pope Francis, binigyang diin na mandato ng pamahalaan na pangalagaan ang mamamayan kabilang na ang kapaligirang ginagalawan ng bawat isa.
Sinabi ng Santo Papa na tanging ang pamahalaan lamang ang may kakayahang gumawa at magpatupad ng maayos sa mga polisiyang nangangalaga sa kalikasan.