245 total views
Tungkulin ng estado na protektahan at pangalagaan ang seguridad ng mamamayan.
Nasasaad sa Encyclical na Centesimus Annus, isang panlipunang turo ng Simbahang Katolika mula kay Saint John Paul II noong 1991, kinakailangan tiyakin ng mga pinuno ng estado ang pangangalaga sa kapakanan ng mamamayan.
Kaugnay nito, nagpahayag ng positibong reaksyon ang Commission on Human Rights sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na huwag gawan ng masama o saktan ang mga Obispo at mga lingkod ng Simbahan.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia, bahagi ng tungkulin ng estado ang itaguyod ang karapatan at dignidad ng buhay ng bawat isa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mamamayan sa relihiyong pinaniniwalaan, lahing pinagmulan at maging partidong pampulitikang sinusuportahan.
“It is the State’s duty to uphold everyone’s right to life. The President’s call to not harm religious leaders underscores the government’s obligation to protect everyone regardless of religion, political affiliation, ethnicity, among others.” pahayag ni de Guia.
Gayunpaman, umaasa ang Komisyon sa Karapatang Pantao na ito rin ang maging pahayag ni Pangulong Duterte sa iba pang kritiko ng kasalukuyang administrasyon.
Ipinaliwanag ni Atty. de Guia na hindi dapat masamain sa halip ay dapat na positibong tanggapin ng pamahalaan ang mga kumento, mungkahi at opinyon ng mamamayan at maging ng mga taong Simbahan para sa kabutihan ng bansa.
“The Commission welcomes this positive shift and hopes for similar statements from the administration especially for those who are deemed critical towards the government. The service and guidance of religious groups must be taken positively especially when it pertains to the uplifting of the plight and dignity of vulnerable sectors.” Pahayag ni de Guia.
Ginawa ng Pangulong Duterte ang panawagan matapos na makatanggap ng mensahe mula sa Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle dahil sa mga natatanggap na death threat ni CBCP Vice President Kalookacan Bishop Pablo Virgilio David at ng ilan pang mga Pari.
Sinabi ng Pangulong Duterte na hindi dapat na saktan ang mga Pari o Obispo sapagkat personal lamang ang away sa pagitan niya at mga lider ng Simbahan.
Batay sa tala, tatlong Pari na ng Simbahang Katolika ang nasawi sa ilalim ng administrasyong Duterte na magpahanggang sa ngayon ay hindi pa rin nabibigyang katarungan.