283 total views
Hinimok ng Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga mananampalataya na makiisa sa mga gawain ng Simbahan sa panahon ng Kuwaresma.
Ayon kay Davao Archbishop Romulo Valles, mahalagang makibahagi ang mananampalataya sa paggunita sa panahon ng Kuwaresma upang ganap na maging handa sa pagdiriwang ng pagtatagumpay ni Hesus sa pagtubos ng sanlibutan.
“My brothers and sisters let us avail the season of grace during Lent so that we would be really prepared into the joyous season of Easter,” pahayag ni Archbishop Valles sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na ito ang pagkakataon na pagnilayan ng bawat isa ang mga nagawang paglabag sa kalooban at kautusan ng Panginoon at humingi ng pagpatawad.
Iginiit ni Archbishop Valles na mahalagang kilalanin ng tao ang mga pagkakasalang nagawa upang mapagkalooban ng Diyos ng pagpapatawad na hihilom sa pusong pinanahanan ng Panginoong Hesus.
“This is a season that would prepare us deep in our hearts for the coming celebration of Easter, the Paschal mystery, the passion, death and resurrection of Jesus that brought us salvation,” dagdag ng Pangulo ng CBCP.
Inaanyayahan ni Arhcbishop Valles ang bawat isa na dumalo sa mga Banal na Eukaristiya sa ika – 6 ng Marso, ang Miyerkules ng Abo na hudyat ng pagsisimula sa panahon ng Kuwaresma.
Ang panahon ng Kuwaresma ay ang apatnapung araw na paghahanda sa paggunita ng Mahal na Araw.
Sa panahon ng Kuwaresma, pinaalalahanan ng Simbahan ang mananampalataya sa pagtitika at pag-aayuno kung saan ginugunita rin ng 1.2 bilyong Katoliko sa buong mundo ang mga sakripisyo ni Hesus sa disyerto.
Sinabi pa ni Archbishop Valles na ang pagpapahid ng abo sa noo ng mga tao ay paalala sa pagpapanibago ng tao mula sa pagiging makasalanan.
“The imposition of ashes on ash Wednesday remind us the need of conversion, the need to go back to the Lord, the grace of conversion and the grace of forgiveness and mercy of God” paliwanag ng Arsobispo.
Bukod dito ay pinaalalahanan din ang bawat isa na isagawa ang corporal works of mercy tulad ng pagpapakain sa mga nagugutom, pagdalaw sa mga may sakit, bilanggo, paglibing mga namatay, pagpainom sa mga nauuhaw, at pagtanggap sa walang tahanan.