237 total views
Ang anumang nagdadala sa sinuman sa pananakit sa sarili o pananakit sa kapwa ay hindi nagmula sa Diyos kundi gawain ng demonyo.
Ito ang binigyang diin ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa pangamba ng mga magulang sa mga online at social media challenge na nagdudulot ng masamang epekto sa mga kabataan.
Payo ng Obispo, dapat na mag-ingat ang bawat isa sa pakikilahok sa anumang laro o pagsubok na walang katiyakan ang layunin at hangganan.
Pinayuhan ni Bishop Bacani ang mamamayan na suriing mabuti kung ang pakikilahok sa anumang laro, samahan o grupo ay makabubuti hindi lamang sa kapanakanan ng pangangatawan, kalusugan at puso ng bawat indibidwal kundi maging sa mismong kaluluwa.
“Ang anumang nagmumungkahi o sinumang nagmumungkahi sa inyo na saktan ang inyong sarili o lalong lalo na kitilin ang inyong sariling buhay, makasisigurado kayo hindi yan galing sa Diyos at malamang 100-percent galing sa demonyo yan, kaya mag-iingat kayo at huwag kayong papasok basta-basta sa anumang laro, titingnan muna ninyo kung ang larong yan ay makabubuti sa inyong pangangatawan, sa inyong kalusugan, sa inyong kaluluwa at sa inyong puso, kung nakikita ninyo na dinadala kayo sa anumang nakakasakit para sa inyong sarili o pananakit sa ibang tao yan hindi galing sa Diyos, galing sa demonyo yan…” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas
Kaugnay nito, binalaan ng mga otoridad ang mga magulang na bantayan ang kanilang anak sa paggamit ng internet matapos ang pagpapatiwakal ng isang 11-taong gulang na bata na hinihinalang dahil sa kumakalat na online challenge na nag-uutos ng pananakit ng kapwa at sarili.
Tampok sa nasabing ‘momo challenge’ ang nakakatakot na larawan ng isang babae na base sa isang sculpture sa isang museum sa Japan ay nagsimula sa isang messaging app.
Sa pamamagitan ng chat ay uutusan ang mga biktima na kadalasan ay mga bata na saktan sarili at kapwa na kumalat na rin maging sa youtube at sa iba pang social media platforms.
Dahil ditto, iginiit ni Bishop Bacani na ang makabagong teknolohiya ay dapat na gamitin para sa ikabubuti ng mamamayan at hindi para sa ikasasama ng sinuman.
Inihayag ng Obispo na ang teknolohiya ay kabilang sa mga biyaya ng Panginoon sa sanlibutan na naglalayong maging instrumento para sa kabutihan hindi lamang ng buhay kundi maging kaluluwa ng bawat indibidwal.
“Yung anuman pong modern technology alam niyo naman, yan ay mga bagay na pwede natin at dapat nating gamitin para sa ikabubuti ng katawan at kaluluwa ng ating mga kababayan kaya gamitin po natin sa mabuting paraan at huwag kayong pagagamit o huwag ninyong gamitin ang anumang mga technology para sa ikasasama ng sinuman sapagkat yan ay nilalang ng Diyos para sa kabutihan nating mga tao…” dagdag pahayag ni Bishop Bacani
Naunang lumabas sa Digital 2018 report ng London, United Kingdom-based consultancy na We Are Social na nangunguna pa rin ang Pilipinas sa social media usage sa buong mundo.
Nabatid sa nasabing digital report 2018 na umaabot sa 9 na oras at 29 na minuto kada araw ang ginugugol ng nasa 67-milyong internet users na Filipino na mayroong social media accounts.
Nasasaad sa isang dokumento ng Vatican na may titulong Church and the Internet, sinasabing mahalagang magamit din ng Simbahan ang makabagong teknolohiya tulad ng internet para ipahayag ang misyon ni Panginoon.
Samantala, nauna nang nanawagan at hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat isa na gamitin sa mas makabuluyang pamamaraan at pagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga modernong gadget partikular na ang internet at social media.