207 total views
Bukod sa pangangalagang pang-kaluluwa, hinihikayat din ni Radio Veritas President at Caritas Manila executive director Fr. Anton CT Pascual ang mananampalataya na gawing pagkakataon ang panahon ng ‘Kuwaresma’ sa pangangala ng kalusugan.
Ito ay kaugnay na rin sa kampanya ng Caritas Manila at Radio Veritas na ‘plant based diet’ ngayong Kuwaresma lalu na sa araw ng Biyernes.
Bukas, ika-6 na araw ng Marso gugunitain ng simbahan ang Miyerkules de Abo ang hudyat ng pagsisimula ng 40 araw ng Kuwaresma.
Sinabi ng Pari na ito ay makakatulong hindi lamang sa pagtitipid lalu na ng mga mahihirap na pamilya kundi maging sa pangangalaga sa kanilang kalusugan.
Ipinaliwanag ng pari na naging karaniwan na ring hinihinging gamot sa Caritas ng mga mahihirap na pamilya ang mga maintenance medicine, insulin shots dahil sa mga sakit sa puso at diabetis na kabilang sa chronic disease na dulot na rin ng ating mga kinakain tulad ng mga delata.
“Nakakalungkot nga na ang mahirap, salat na nga sa pera, marami pa ang sakit. Dun na nga nag-search ang Caritas, at nadiscover nga natin itong the power of plant-based diet. Marami na rin sa atin, well basically, with due respect, hindi na din gaanong nabigyan pansin at napapangalagaan ang sariling katawan,” ayon kay Fr. Pascual.
Nanawagan ang Pari sa mananampalataya na hindi lamang pakikipag-ugnayan sa Diyos ang pangalagaan kundi maging ang ating pangagatawan na siya ring templo ng Panginoon.
Ayon pa sa pag-aaral 60% ng kinakain ay processed food at 30% ay mga karne habang 10% lamang ang prutas na itinuturong dahilan ng pagkakasakit.
“Kailangan nating i-promote na dapat mas marami ang pagkain ng gulay at makita natin ang epekto ng pagkain ng gulay, At at the same time, guminhawa. Because what’s good for the body is good for the planet. The more we eat more plants, we produce more plants mas healthy yan sa environment,” dagdag pa ni Fr. Pascual.
Bukas ika-6 ng Marso 2019 o Ash Wednesday, ilulunsad ni Father Pascual sa pamamagitan ng banal na misa sa Radio Veritas chapel ang Kilusang Plant Based na isang health and holistic wellness advocacy.
Read: KILUSANG PLANT-BASED