268 total views
Binigyang diin ni Rev. Fr. John Leydon, MSSC – Convener ng Global Catholic Climate Movement – Pilipinas na hindi lamang para sa ispirituwalidad at pagsasakripisyo ng mga Katoliko ang hindi pagkain ng karne ngayong panahon ng kuwaresma.
Ayon sa pari, bukod sa mabuti ito sa kalusugan ay malaking tulong din ang pag-iwas sa pagkain ng karne sa kalikasan.
Lumabas sa pag-aaral na ang produksyon ng 1pound na karne ay may katumbas na 2,400 na galon ng tubig, habang ang 1 pound ng wheat o trigo ay kumokonsumo lamang ng 25 galon ng tubig.
Bukod dito, naglalabas din ng greenhouse gas ang livestock at meat production. Sa bawat 0.5 pound serving, ang produksyon ng karne ng manok ay mayroong katumbas na 0.55 pound ng Carbon dioxide, ang produksyon ng mga baboy ay may katumbas na 1.90 pounds ng Carbon dioxide at ang produksyon ng mga baka ay 7.40 pounds ng CO2 na katumbas ng 9.81 miles ng isang sasakyan.
“Hindi kaya ng ating planeta yung pag e-expand ng meat industry.” Bahagi ng pahayag ni Father Leydon sa Radyo Veritas.
Dahil dito, naniniwala si Father Leydon na ang hindi pagkain ng karne at pagsasagwa ng plant based diet ay isang paraan din ng pagbabalik loob sa Panginoon sa pamamagitan ng pangangalaga sa inang kalikasan.
Ipinaalala ng pari ang panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Encyclical na Laudato Si na dinggin ang daing ng kalikasan at panaghoy ng mga mahihirap.
Aniya, sa pamamagitan ng plant based diet ay mababawasan ang demand sa karne at marami na ang tatangkilik sa organic vegetable ng mga katutubo.
Iminungkahi din ni Father Leydon na magkaroon ng maliit na vegetable garden na maaaring gawin kahit na ng mga naninirahan sa kamaynilaan.
“Yung pagbabalikloob ang kailangan, pagbabalik loob sa sanilikha. We really need to wake up sa panawagan ng Diyos, sa daing ng ating planeta.” Dagdag pa ng Pari.
Read: KILUSANG PLANT-BASED