192 total views
Magandang pagkakataon ang pagkakatalaga ng bagong Obispo sa Military Ordinariate of the Philippines dahil magpapasigla ito sa mga Paring naglilingkod sa hanay ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at Philippine National Police.
Ayon kay Bishop Oscar Jaime Florencio, mahalaga ang pagkakatalaga sa kaniya ng Kaniyang Kabanalan Francisco upang magabayan ang mga Pastol ng Simbahan sa iba’t-ibang Chaplainces sa mga Kampo ng mga hukbo sa buong Pilipinas.
“This is very significant dahil it can boost the morale of the chaplains na mayroon silang Bishop and Shepherd,” bahagi ng panayam kay Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Mahalaga rin ito na paggunita ng Kuwaresma, ang apatnapung araw na paghahanda sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.
Sinabi ni Bishop Florencio na malaking gampanin na mangangasiwa sa mga gawain sa buong Kuwaresma at matiyak na ito ay maipatutupad ng nakasusunod sa liturhikal na alituntunin.
Mahalaga sa mga Pari sa buong mundo ang Mahal na Araw partikular ang Chrism Mass kung saan sasariwain ang kanilang sinumpaang katungkulan bilang mga lingkod ng Panginoon.
“It is significant also because during this lenten season dahil dito po ang renewal of vows ng mga chaplain on their commitments and they will have to renew that with their new Bishop,” dagdag pa ni Bishop Florencio.
DIWA NG KUWARESMA
Hinimok din ng Obispo ng Military Diocese ang mga mananampalataya na isapuso ang paggunita ng Kuwaresma upang higit na mauunawaan ang tunay na kahulugan ng pagpapatawad, pagninilay at pagkakawanggawa sa kapwa.
Inihayag ng Obispo na marapat pagnilayan ng tao ang bawat ginagawa lalo na sa mga tagapagpatupad ng batas upang nababatay sa katuruan ng Simbahan at kalooban ng Panginoon ang magiging bunga nito.
“I think it will be good also to consider na ang ating mundo ang ating lipunan ngayon actually needs sometime going deeper into one’s self introspection, so that whatever we do ito ay bunga ng ating pananampalataya,” ani ni Bishop Florencio.
Sinabi pa ng Obispo na ang pagtitiwala, pagkakaisa at pag-uunawaan ng mamamayan ay magdudulot ng panibagong buhay sa pamayanan na makatutulong sa pag-unlad hindi lamang sa Simbahan kundi maging sa lipunang kinabibilangan.
Si Bishop Florencio na itinalagang pinuno ng Military Ordinariate of the Phililippines noong ikalawa ng Marso ay ang ikapitong Obispo ng military diocese na mangangasiwang pastoral sa mga Katolikong naglilingkod sa Armed Forces of the Philippines, Philippine Coastguard, Philippine National Police at sa mga nasa piitan.
Sa tala ng Catholic Hierarchy ang military diocese ay binubuo ng higit 120 mga Pari na naitalaga sa 65 mga Parokya sa buong bansa.
Bilang Obispo, nakapagtapos ito ng Doctorate in Sacred Theology sa Pontifical University of the Holy Cross sa Roma.