2,716 total views
Ipinagpasalamat ng Diocese of San Carlos ang paglalabas ng lokal na pamahalaan sa Negros Occidental ng Executive Order na nagbabawal sa pagtatayo ng mga Coal Fired Power Plant.
Ayon kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, makabuluhan ang kanilang pagkilos na pinangungunahan ng mga kabataan noong ika-6 ng Marso, Miyerkules ng Abo, dahil sa araw ding ito ibinaba ni Gov. Alfredo Marañon, Jr. ang E.O. 1908 Series of 2019 na nagdedeklara sa lalawigan ng Negros Occidental bilang pangunahing pinagmumulan ng Renewable Energy at isang Coal Free Province.
Bumuo din ng Provincial Renewable Energy Council o PREC ang lalawigan ng Negros upang paunlarin pa ang renewable energy facilities ng lalawigan.
Itinuturing itong isang malaking tagumpay ng mamamayan sa Negros at ng simbahan lalo na ngayong Year of the Youth dahil sa aktibong pakikisangkot ng mga kabataan sa mga usaping pangkalikasan na may kaakibat na moral na responsibilidad.
“Very meaningful s’ya [yung year of the youth] saka ash wednesday, nakikita talaga natin na ang Youth pala, usually kapag sinabi nating millenial, generation Z, parang may sariling mundo, very self-referential, walang pakialam. Pero dito pinakita na ang youth sa Negros ay mulat sa mga Social issues, and they want to participate kasi kanilang future ang nakasalalay dito.” pahayag ni Bishop Alminaza sa Radyo Veritas.
Ngayong panahon ng kuwaresma, nanawagan din si Bishop Alminaza sa mamamayan na mag abstinensya, bawasan, o tuluyan nang itigil ang mga nakagawiang may masamang epekto sa kalikasan.
Sinabi ng Obispo na maaaring isakripisyo ang panonood ng telebisyon, o anumang bagay na makatutulong upang makatipid sa elektrisidad ang bawat bahay.
Inihayag ng Obispo na ang pag-babawas o tuluyan nang hindi paggamit ng plastic ay mabuting paraan ng pagsasakripisyo o pag-abstinensya.
“Halimbawa yung avoiding use of plastics; yung mga alternative na mga pagkain o products na talagang organic na talagang maganda sa kalusugan natin; mga sacrifices pa sa Earth Hour, yung isang oras from 8 to 9 halimbawa sa atin sa Pilipinas, you will sacrifice your favorite telenovela, o kung ano ang nakagawian n’yo around that time, but instead do something that will be worthwhile for the Mother Earth.” Pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Hinimok ni Bishop Alminaza ang lahat na ang natitipid na salapi dahil sa fasting ay maaaring ibigay na tulong upang mapondohan ang renewable energy project sa mga parokya.
“Halimbawa pagnakatipid tayo ng pera dahil nag fasting tayo, sana i-invest natin halimbawa tumulong tayo para magkaroon ng renewable energy fund sa parish. Kasi panawagan namin sa Diocese bawat Parish magkaroon ng green team, ito yung mangangasiwa ng mga projects that will live-out Laudato Si.’’ paala ng Obispo
Noong 2018 iminungkahi ng Kanyang Kabanalan Francisco na isama sa Spiritual Works of Mercy ang pangangalaga sa kalikasan.
Dahil dito, naniniwala si Bishop Alminaza na kinakailangan din ng Simbahan ng masmarami pang tagapagpalaganap ng kasalukuyang sitwasyon sa kalikasan at kung paano makatutulong ang bawat isa upang maprotektahan ang sanilikha.