233 total views
Nagsisilbing inspirasyon sa mananampalataya ng Tagbilaran, Bohol ang naging pagdalaw ng ‘hindi naagnas na puso’ ni Saint Camilus de Lelis.
Ayon kay Tagbilaran Bishop Aberto Uy, pinasisigla ni Saint Camillus de Lellis ang mga mananampalataya ng Bohol lalo na ang mga may karamdaman sapagkat ito ay lingkod ng Panginoon na may natatanging pagmamalasakit sa mga may sakit.
Dagdag pa ng obispo, nagdadala ng pag-asa sa bawat mananampalataya ang pagdalaw ng 404 na taong hindi naaagnas na puso ng Santo partikular sa mga may malubhang karamdaman.
“So inspiration for everyone unya hope for the sick labi na kadtong mga masakiton na g’yud pag-ayo, magpabilin siyang dakong paglaom especially kadtong nanginahanglan g’yud ug kaayohan dili lang sa lawas kundi sa ispiritu pod, [So inspiration for everyone at hope for the sick lalo na yung malubha na, mananatili siya (St. Camillus De Lellis) na pag-asa partikular sa nangangailangan ng kagalingan hindi lamang sa pangangatawan kundi maging sa Espiritwal],” bahagi ng panayam ni Bishop Uy sa Radio Veritas.
Bukod sa mga may sakit, nagbibigay pag-asa rin si San Kamilo sa mga taong kumakalinga at nag-aalaga ng mga maysakit tulad ng mga doktor at maging sa mga pamilyang nag-aalaga ng maysakit sa kanilang mga tahanan.
PAGNINILAY SA KUWARESMA
Binigyang diin din ni Bishop Uy ang pagkakataong dumalaw ang relikya ng Santo sa panahon ng Kuwaresma kung saan nakadadagdag sa diwa ng kabanalan dahil sa mga karanasan ni San Kamilo ng Lelis na maituturing huwaran sapagkat isinuko ang sarili sa Panginoon at naglingkod sa kapwa sa pamamagitan ng pagkalinga sa mga may karamdaman na pinababayaan na lamang.
Ayon pa sa obispo, magandang pagkakataon din ito upang pagnilayan ang buhay kung nakasusunod ito sa kalooban ng Pangnoon.
“Mamalandong gyud ta, are we still in the right direction sa atoang kinabuhi? Sakto pa ba ning dalan nga atong gisubay [Magninilay tayo, are we still in the right direction sa ating buhay? Tamang landas ba ang ating tinatahak?],” dagdag ng Obispo.
Paliwanag ni Bishop Uy na ang Kuwaresma ang tamang pagkakataon para makikita natin ang tamang landas tungo sa kaharian ng Panginoon kung saan tatahakin ng bawat isa ang daan na nahaharap sa iba’t ibang hamon at pagsubok sa buhay.
Pinaalalahanan din ng Obispo ang mananampalataya na mahalagang kalimutan ang sariling kapakanan upang makaiwas sa tukso ng kasamaan bunsod ng makamundong mga pangangailangan.
“Ang pagkalimot sa kaugalingon maoy makapaduol nato sa Ginoo, kay dapat ang sentro sa atong kinabuhi si Kristo [Ang pagkalimot sa sarili ang daan upang mapalapit tayo sa Panginoon at dapat maging sentro ng ating buhay si Hesukristo],” ani ni Bishop Uy.
PANAHON NG PAGSASAKRIPISYO
Hinamon din ng Obispo ng Tagbilaran ang mananampalataya na sa paghahanda sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus tayo ay inaanyayahang magsakripisyo at palakasin ang buhay pananampalataya sa pamamagitan ng pananalangin.
Gayunman, mahalaga rin ang pagkalinga sa mga nangangailangan sa lipunan lalo na ang mga napapabayaan bilang bahagi ng gawain ng kabanalan na itinuturo ng Kristo sa sanlibutan at ng Simbahang Katolika.
“It calls us for sacrifice and strengthened our prayer and at the same time almsgiving dahil ang almsgiving ay works of mercy that we do for others that makes us closer to God.” pahayag ni Bishop Uy.