1,846 total views
Simbolo sa pagpapalalim ng pananampalataya ang paglunsad ng Manila Cathedral Coffee table book.
Ayon kay Rev. Fr. Reginald Malicdem, ang rector ng Minor Basilica at Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception na taglay ng aklat ang kasaysayan ng Simbahan at ang masidhing pananampalataya ng mamamayan.
“Yung Manila Cathedral coffee table book isang story both of the history of the Manila Cathedral and even of
the Philippines and the story of the faith especially of the Filipino faithful,” bahagi ng pahayag ni Fr. Malicdem sa Radio Veritas.
Itinampok sa Manila Cathedral: Restoring a Monument to Faith, Architecture and History ang mga ekslusibong larawan ng Simbahan na hindi makikita sa internet nang masira ito matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig.
Paliwanag ni Fr. Malicdem na matutunghayan din sa aklat ang nangyari sa Simbahan bilang unang Katedral sa Pilipinas kung paano nanatiling nakatayo sa kabila ng iba’t ibang banta at hamon na sumira sa istruktura.
Ayon sa pari ang pagtindig ng Manila Cathedral ay simbolo ng matibay na pananampalataya ng mga Filipino na humaharap sa mga hamon sa buhay subalit kumakapit sa Panginoon.
“Makita mo ang nangyari sa Manila Cathedral as the first Cathedral of the Philippines and how it grow. May
mga destructions and the rebuilding that is also the story of our faith yung how resilient Filipinos are,” dagdag pa ng Pari.
Pagsasalarawan pa ni Fr. Malicdem na ang coffee table book ay isang dokumentadong salaysay ng mga kuwento buhat nang muli itong itinayo noong 1958 matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig.
PAG-ASA SA MANANAMPALATAYA
Inihayag naman ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na sumisimbolo sa walang hanggang pag-asa ang aklat dahil ipinakikita dito ang pagbangon mula sa pagkasira dulot ng digmaan.
Aniya, ang muling pagtayo ng Katedral ay sagisag ng matibay na pananalig at pananampalataya sa Panginoon na dapat tinataglay ng bawat tao.
Ibinahagi ni Cardinal Tagle ang mga nasaksihan sa pagbisita sa Syria kung saan marami ang nasirang gusali at kabahayan dahil sa digmaan ngunit labis nakalulungkot ang pagkasira sa tiwala ng mamamayan sa isa’t isa.
Binigyang diin ng Cardinal na pinuno rin ng Caritas Internationalis ang kahalagahan sa muling pagbuo ng tiwala ng mamamayan upang makatutulong sa paghilom ng lipunan.
“As you rebuild the houses, you are also rebuilding trust,” pahayag ni Cardinal Tagle.
500 TAON NANG KRISTIYANISMO
Magandang pagkakataon din ang paglunsad ng Manila Cathedral: Restoring a Monument to Faith, Architecture and History dahil nalalapit na ang pagdiriwang ng ikalimang sentenaryo ng Katolisismo sa Pilipinas sa 2021.
Pagbabahagi ni Fr. Malicdem, ito ay upang makita ng malaman ng mananampalataya ang kasaysayan ng Simbahan na itinuturing na Mother Church at kauna-unahang Katedral sa Pilipinas na ideneklara noong ika – 15 siglo.
Umaasa ang Pari na tangkilikin ng mamamayan ang Manila coffee table book at maging bahagi sa pagpapalaganap ng kasaysayan ng Simbahan at makatutulong mapalago at mapagtibay ang pananampalataya sa tulong ng inspirasyon sa muling pagkakatatag ng Simbahan noong 1958.
Labis naman ang pasasalamat ng pamunuan ng Manila Cathedral sa pangunguna ng Manila Cathedral – Basilica Foundation Inc. sa pamumuno ng dating Punong Mahistrado ng Korte Suprema Artemio Panganiban sa mga indibidwal na tumulong upang maisakatuparan ang paglimbag sa aklat.
Una na rito ang Metrobank Foundation Inc. at GT Foundation Inc. sa pangunguna ni Alfred Ty, sa tanyag na architectural historian at heritage conservationist Professor Gerard Lico, Ph.D na nagsilbing Executive Editor at kay Architect Mark Heinrich Go bilang professional photographer na kumuha ng mga larawan ng Katedral at sa iba pang tumulong sa pagbuo ng aklat na may international publication standards.
Mabibili ang coffee table book sa Manila Cathedral sa halagang P2, 500 at maaring makipag-uganayan sa kanilang tanggapan sa 527-3093.