379 total views
Pagpapalago sa espirituwalidad at moralidad ng tao ang pagtulong sa kapwa na makaahon sa kahirapan.
Ito ang sinasaad sa ensiklikal ni Pope Paul VI na Populorum Progressio kung saan binigyang diin na ang paglaban sa kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay ay hindi lamang pagtataguyod sa karapatan ng tao kundi pagpapalago ng buong pagkatao.
Kaugnay dito, inihayag ng Cooperative Development Authority na sinisikap nitong maipalaganap sa buong bansa ang pagtatayo ng mga kooperatiba na malaki ang maitutulong sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng mamamayan.
Ayon kay CDA Chairperson Usec. Orlando Ravanera, mahalagang palalakasin ang sektor ng mahihirap tulad ng mga magsasaka, mangingisda, mga nagtitinda at iba pa upang tunay na makamtan ang pagbabago at pag-unlad ng kabuhayan.
“Empower and capacitate them like for example now that ang ating pong mga kooperatiba ngayon are into value chain,” pahayag ni Ravanera sa Radio Veritas.
Sinabi ng opisyal na kung maturuan ang mamamayan ng wastong pamamahala sa kanilang mga kabuhayan ay matitiyak ang pag-unlad ng pamumuhay ng mga Filipino.
Iginiit nito na sinisikap ng mga kooperatiba sa bansa ang makapaglikha at makapagturo ng wastong pagnenegosyo sa mamamayan upang mabawasan at maiwasan ang pakikipagsapalaran ng mga Filipino sa ibayong dagat.
Ikinadisyama ni Ravanera ang pagkahumaling ng mga Filipino sa mga imported na mga produkto at hindi pagtangkilik sa mga lokal na produkto.
Aniya, dapat higit na tangkilikin ng mga Filipino ang sariling mga produkto upang makatulong sa paglago ng ekonomiya at mamamayan.
“If you buy the products that are coming from other countries, you support the economy where the product is coming from while if you buy the products of the cooperatives, you are buying what is local and you generate jobs for the people,” dagdag pa ni Ravanera.
CDA-SBC PARTNERSHIP
Kasabay ng ika-29 na anibersaryo nang C-D-A, lumagda ng kasunduan ang pamunuan para mas mapalawak ang pagtulong sa mga mamamayan sa pamamagitan ng mga kooepratiba.
Ayon kay Ray Elevazo, Executive Director ng CDA, malaki ang maitutulong ng nasabing kasunduan sapagkat ang Small Business Corporation (SBC) na sakop ng Department of Trade and Industry ang tagapagpatupad ng Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso o P3 program ng gobyerno na layong tulungan ang mga small to medium enterprises (SMEs) sa bansa.
Sinabi ni Elevazo na magkakaroon ng National Committee na nakatuon lamang sa mga kooperatiba upang mapabilis ang paghatid ng tulong lalo na sa mga maliliit na kooperatiba sa bansa.
Batay sa tala ng CDA noong 2017 mahigit sa 17, 000 ang mga operational na kooperatiba sa buong bansa.
Ang P3 Program ay nilikha ng administrasyon na naglalayong tulungang mapaunlad ang sektor ng micro, small and medium enterprises sa Pilipinas at makaiwas sa 5-6 scheme na pautang na lalong nagpapahirap sa maliliit na negosyante.
CARITAS MARGINS
Bilang tugon ng Simbahang Katolika, nilikha ng Caritas Manila sa pamumuno ni Rev. Fr. Anton CT Pascual ang Executive Director ng social action arm ng Arkidiyosesis ng Maynila ang Caritas Margins na naglalayong tulungan ang mga mahihirap na maiangat sa karukhaan sa pamamagitan ng pagnenegosyo.
Naniniwala si Fr. Pascual na hindi sapat ang pagbibigay lamang ng pinansyal na tulong kundi mas higit na kinakailangan ang pagbibigay ng mga libreng pagsasanay para sa kabuhayan ng mamamayan.
Tinutulungan ng Caritas Margins ang higit sa isanlibong maliliit na negosyante sa bansa na maipakilala sa publiko ang kanilang mga produkto sa pagsasagawa ng mga bazaar sa pakikipagtulungan ng mga kilalang establisimiyento sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Panawagan ng Simbahan at ng CDA na dapat tangkilikin ng mga Filipino ang mga lokal na produkto o ‘sariling atin’ bilang suporta sa kapwa Filipino at makatutulong sa kanilang pag-ahon mula kahirapan.(Norman Dequia)