316 total views
Homiliya
Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle
33rd National Migrants’ Sunday
Sta. Clara de Montefalco Parish, Pasay City
March 10, 2019
Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya, tayo po una sa lahat ay nagpapasalamat sa Diyos na tumatawag sa atin at nagtipon bilang isang sambayanan ngayong unang Linggo ng kuwaresma.
Ang apatnapung araw ng kuwaresma ay paanyaya sa atin na maghanda na makipaglakbay kasama ni Hesus.
Saan ba pupunta si Hesus? Sa Jerusalem, upang doon ay Kan’yang tuparin ang misyon na ialay ang buong buhay bilang pagtalima sa Diyos Ama at pagmamahal sa atin.
‘Yong mga alagad N’ya nangako, “sasama kami sa iyo hanggang Jerusalem.” Pero noong hinuhuli na si Hesus, iniwanan na nila si Hesus.
Tayo sabi natin sa Salmo Responsoryo, “Poon ko samahan mo ako sa aking dusa ay kahirapan,” e kung sabihin naman ni Hesus, “Kayo samahan ninyo naman ako sa aking dusa at kahirapan,” sasama ba tayo?
Kaya itong apatnapung araw, paghahanda natin para talagang samahan natin si Hesus, dahil S’ya nangako, sasamahan N’ya tayo. Kapag tayo ay pupunta sa shopping, mag-sho-shopping, ang daming gustong sumama. Kapag manonood ng sine, lalo na kapag libre, ang daming sasama. Kapag may libreng tanghalian, ang daming sasama.
Pero kapag sumama ka sa Akin, pasanin mo ang Krus, ialay mo ang iyong buhay para sa kapwa’t sa Diyos, may sasama kaya?
Ang paglalakbay ni Hesus patungo sa Kan’yang kalbaryo ay napaka lungkot, hindi lamang dahil sa hirap ng katawan at isip, ito ay lalo nang mahirap dahil iniwanan S’ya ng Kan’yang mga kaibigan.
Papaano tayo maghahanda para masamahan si Hesus sa Kan’yang pagpunta sa kalbaryo? Ito pong mga darating na araw ay nag-aalay sa atin ng mga aral, mga pagninilay para kung papa’no tayong sinamahan ni Hesus sa ating paglalakbay, samahan din natin S’ya.
Sa araw na ito ang mga pagbasa ay tungkol sa ating paglalakbay sa pananampalataya. Sa unang pagbasa, pinaalaala ni Moises sa bayang Israel, “sinamahan kayo ng Diyos sa inyong paglalakbay, mula sa pagkaalipin sa Ehipto hanggang kayo ay makalaya.”
Kaya taun-taon, huwag n’yong kalilimutan na kayo ay bale wala na mga tao pero minahal kayo ng Diyos. Huwag n’yong kalilimutan ‘yon kung paano kayo pinulot ng Diyos sa kawalan, hinubog, minahal, ginawang kan’yang bayan, at harinawa kapag naalaala ‘yon, magpasalamat sa Diyos, mag-alay ng papuri, mag-alay ng mga ani ninyo sa lupa.
Dati wala kayong lupa ngayon meron na kayong natatamnan, huwag n’yong kalilimutan iyan ay dahil sinamahan kayo ng Diyos.
Ito po ang isang aral natin, alalahanin, gunitain, papaano tayo sinamahan ng Diyos at magpasalamat. Tayo po kasi madaling makalimot, kaya ang paglalakbay natin paputo-putol.
Halimbawa, kapag nawalan ng trabaho, “Diyos ko! Diyos ko! Samahan mo ako!” kapag nagkatrabaho na, good time na, good time! Gastos dito, gastos doon, nakakalimutan na ang Diyos. Tapos, sa sobrang kain, tataas ang blood pressure, tataas ang diabetes, tawag na naman sa Diyos, “Diyos ko! Diyos ko!” tapos kapag maayos na naman, nakalimutan na naman, litson dito, chicharon dyan, kaya ang ating buhay, paputol-putol, kulang sa memory.
Ang paglalakbay natin sa buhay, sa kamay ng Diyos ay isang napakagandang alaala, kapag nakalimutan, napuputol ang paglalakbay. Kaya nga sa misa, ano ang bilin ni Hesus, “Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa Akin.
Dahil hindi kita malilimutan, hindi Ko kayo kinakalimutan, pero bakit Ako ay inyong nakakalimutan? Sa ikalawang pagbasa naman, hindi lang pala sapat na naalaala natin ang kabutihan ng Diyos at salita ng Diyos, ang naaalaala natin, ipahayag, ibahagi i-share.
Sabi ni San Pablo, ang salita ng Diyos malapit sa inyo, nasa inyong puso. Pero kung malapit na sa puso, sana nasa labi rin, ipinahahayag. Huwag sarilinin ang alaala ng salita ng Diyos, ibahagi.
Mga kapatid, bahagi ng ating paglalakbay kasama ni Hesus ay ang misyon, ngayon ang labi ng tao parang punong puno ng galit. Sabi nga nila ngayon kumakalat ang tinatawag nating hate speech, Yun bang nagiging uso yung salita na hindi maganda at tinatanggap nalang, Yung salitang naninira, yung salitang nakakasakit parang ano nayon ngayon uso?
Uso kapag magalang kang magsalita parang wala ka sa moda, Parang ang pagiging magalang ay pinagtatawanan parang ngayon katanggap tanggap kapag ang dila mo ay matalas at marumi.
Hindi yon ang sinasabi sa atin ni Hesus, kung bubukas ang bibig mo sana salita ng Diyos na malapit rin sa iyong puso. Mga bata na nandito huwag n’yong tutularan ang hindi magandang halimbawa nang mga nakakatanda na ang pagsasalita ay magaspang.
Kapag magaspang ang pagsasalita gagaspang narin ang iyong mukha, kahit na ano pang sabon ang gamitin mo, kahit ano pang pabango ang gamitin mo, kahit ano pa ang isuot mo, magaspang! Alalahanin, gunitain ang kabutihan ng Diyos sa atin at ang malapit sa puso mo ipahayag ng iyong labi.
Pero siyempre yang paglalakbay na ‘yan hindi laging mapanatag. Sa ebanghelyo maraming tukso, para ang paglalakbay natin sa pananampalataya ay mapigilan. Si Jesus nga tinukso, ano yung mga tukso niya? Kapareho ng mga tukso na nararanasan natin. Halimbawa, “patunayan mo ang sarili mo!” yung tukso ba na magyabang, “kung ikaw nga ang anak ng Diyos, sige nga itong mga bato gawin mong tinapay patunayan mo ang sarili mo.
Yun tayo, yung tukso na hindi naman ‘yung kabutihan na gagawin kun’di patunayan mo na meron kang masasabi.
Mag e-eleksyon na naman lahat pinatutunayan ang kanilang sarili. Wala pa akong narinig na nangampanya na nagsabi, “Ako po, mahina, hindi ko po kaya ito, kaya magtulong-tulong po tayo.”
Naku walang ganyan! Ang lahat nang nangangampanya siya ang magaling. Tukso layuan mo ako! Pinaniniwala tayo na kaya nila lahat yon? hindi mo kaya baby! Aminin mo! Kapag doon nagsimula sa panglilinlang “Kaya ko ito!” tukso yan, ano na mangyayari? Sa simula palang gano’n na eh ano mangyayari?
‘Yung ikalawang tukso, naku po, “palitan mo na ang Diyos ako na ang sambahin mo, ang demonyo ang sambahin.” Ang demonyo ang magbibigay sayo ng kapangyarihan hindi ang Diyos. Kapag ang demonyo ang kinuhanan ng kapangyarihan, hindi na paglilingkod ang mangyayari, abuso na sa kapangyarihan. Pero kapag sa Diyos kinuha ang kapangyarihan ano ang kapangyarihan ng Diyos – Pag-ibig.
Kaya delikado na ang Diyos ay inaalipusta at pinapalitan siya at ang sinasamba na ay ang demonyo. Kapag ang diyos mo ay ang demonyo ang puder mo ay mala-demonyo rin.
At ang ikatlong tukso subukan mo ang Diyos, “sige nga subukan mo ang Diyos magpatihulog ka tingnan natin kung kikilos siya.”
Mga kapatid sa ating paglalakbay sa pananampalataya ang ganda ng memory ng pagmamahal ng Diyos na sana ay ating naipahahayag sa iba. Pero maraming tukso, tuluran natin si Hesus kumapit sa salita ng Diyos, huwag ipagpapalit ang Diyos, huwag sasamba sa ibang diyus-diyosan, kasi kapahamakan ang dulot ng mga huwad na diyos.
Kahit minsan hindi natin nauunawaan ang Diyos, ‘yan ay biyaya kase ang diyos na madaling unawain baka hindi yan diyos. Ang tunay na Diyos ay misteryo, kapag ang diyos ay napapaliwanag mo na nang lubus-lubusan huwad na diyos na yan ingat po tayo.
Unang linggo palang ho ito, sana palalimin natin ang ating paglalakbay sa pananampalataya para makasama natin si Hesus sa Kan’yang paglalakbay.
Sa Linggo pong ito ay Migrants Sunday. Kung tutuusin lahat tayo ay migrante, lahat tayo ay naglalakbay lang dito sa lupa. Dito pa sa atin na nasa Pasay, puwede ko bang malaman sino sa inyo ang talagang taga-Pasay? Taas ang kamay, Ilan sa inyo ang talagang pinanganak dito? Ilan sa inyo ang mga ninuno ay taga-Pasay? Ilan sa inyo sa atin ang nakatira dito sa Pasay pero ang pinagmulan ng mga ninuno ay sa ibang probinsya?
Ilan sa atin ang nandito ngayon dahil sa misang ito? (some raised their hand) mga migrante tayo, Migrants dito sa Santa Clara De Monte Falco. Araw-araw migrante tayo, umiikot tayo at karapatan ng tao ang pumili ng kanyang ibig puntahan, matirahan at magtrabaho.
Ang nakalulungkot lamang po, maraming tao ang napipilitan mag-migrate, ang tawag natin ay forced migration. Kung tutuusin gusto nila huwag umalis, pero dahil sa iba’t ibang mga factors; kahirapan, giyera, kawalan ng trabaho o kaya pagkasira ng mga tirahan nila dahil sa bagyo, dahil sa ecological changes, kahit yung ayaw mag-migrate napipilitan umalis.
Ang paglalakbay nila katulad nang nasabi ko kanina ay paglalakbay na maraming kalungkutang dala, pati yung kanilang pamilya naiiwan. Palagay ko lahat tayo dito mayroong isang kamag-anak na nag migrate sa ibang lugar, sa ibang bansa kung hindi man, sa ibang bahagi ng Pilipinas.
Tatapusin ko po ito kasi humahaba na, kararating ko lang po kaya medyo maliit ang aking – talaga namang maliit ang aking mga mata pero lalo pang lumiliit kasi kararating ko lang po galing Syria at Lebanon dahil po sa aking tungkulin sa Caritas International.
Bumibisita po ako sa mga lugar na either nasalanta ng natural calamities or nang giyera. Nakakalungkot po ang nakita ko sa Syria, huwag sana mangyari sa atin ano ho? Pero i-imagine n’yo, iniimagine ko kanina pa pasok dito sa Pasay, ‘yun bang habang pumapasok ka sa isang city sa kaliwa’t kanan ang makikita mo lamang mga bahay, building na na-bomba at ang natira na lamang ay mga bato-bato, mga bakal na liko-liko at alam mo sa ilalim ng mga bahay na yan ang daming bangkay na hindi na nahukay.
Lumikas ang mga tao, forced migration. May nakita akong bata putol ang paa tapos may isang bata lumapit sa akin nakangiti tapos kinausap ko through an interpreter, siya nalang ang buhay sa kanilang pamilya. Walong taon na bata. Saan nakatira? Kinupkop ng lolo, sabi nung lolo, “walong apo ang naiwan sa akin,” “anong gagawin ninyo?” “Lilikas kami.”
Forced migration; walang tubig, walang pagkain, walang kuryente. Pero mga kapatid ito po ang lalong nakasindak sa akin, sa Lebanon at Syria nagmisa ako sa mga Filipino na naroon, kahit lugar na peligroso pinupuntahan ng ating kababayan at yung dalawang minisahan ko mga kababayan natin na naging biktima ng human trafficking. Pinangakuan ng trabaho, pagdating nila doon – wala.
Kinuwartahan lang sila ng mga tinatawag na agency at sabi nung isa, “Ako po Kamag-anak ko pa ang nangdaya sa akin.” Ang kanilang paglalakbay ay malungkot, pero alam ninyo ang kanilang sinasabi, “Kapit lang Cardinal, kapit lang kay Hesus, kapit lang sa pananampalataya.”
‘Yon ang nagbibigay lakas sa kanila, sa kanilang migration. Pero dahil ang buhay natin ay araw-araw migration, sana rin pananampalataya ang ating kapitan at ipagdasal po natin ang mga kapatid natin na nasa panganib.
‘Yung mga naka kulong sa detention center for illegal migrants. At sa mga pamilya na nandito baka hindi n’yo alam ang pinagdadaanan ng inyong mahal sa buhay abroad dahil hindi nila sasabihin sa inyo ang tunay na kuwento.
Pakiusap ko lang, alagaan naman ninyo ang kanilang mga ipinadadala. Pahalagahan, huwag lulustayin kasi buhay nila ang nakataya para buhayin ang kanilang pamilya dito at bahagi na ng paggalang natin sa kanila ang gamitin ng maayos ang kanilang mga ipinadadala, kanilang ipina-uuwi sa atin.
Salamat nalang may Hesus na nakipaglakbay sa atin, nagbibigay lakas loob sa mga naglalakbay na dumaraan sa hirap.
Tayo po’y tumahimik sandali at ipanalangin ang ating mga kababayan at ang hindi natin kababayan, na ngayon ay naglalakbay, ibinebenta, dinadaya, nawa’y sila ay mailigtas sa kapahamakan.