685 total views
Hinamon ng Obispo ng Balanga ang mananampalataya na gumawa ng kabutihan lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma ang paghahanda sa Easter Triduum.
Ayon kay Bishop Ruperto Santos, ito ang tugon ng diyosesis sa lumaganap na “Momo challenge” na nakasisira sa pagkatao ng mamamayan particular sa mga kabataan.
Sa panawagan ng Simbahang Katolika, inaanyayahan ang bawat mananampalataya na mag-ayuno at iwasan ang mga bagay na nakaugaliang gawin.
Kabilang na rito ang labis na pag-inom ng soda, pagkain ng karne at ice cream na hindi rin nakabubuti sa kalusugan ng tao.
Hinimok ni Bishop Santos ang mananampalataya na ugaling magbasa ng Bibliya at ibahagi sa kapwa, magbahagi ng mga kuwentong nakasisigla sa damdamin ng kapwa, at pagbibigay halaga sa mga mahal sa buhay.
Aniya, dapat iwasan rin ng mananampalataya ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon o fake news lalo na sa social media.
Nabatid sa pag-aaral ng Hootsuite at We Are Social sa pinakahuling ulat nitong 2019 nangunguna ang Pilipinas sa may pinakamadalas gumamit ng internet kung saan naglalaan ito ng higit sa sampung oras bawat araw.
Sinabi pa ni Bishop Santos na dapat pagyabungin ng 86 na milyong Katoliko sa bansa ang buhay pananampalataya sa pamamagitan ng pagdalo sa mga Banal na Misa, ipanalangin ang kahilingan ng mamamayan at kaluwalhatian ng mga kaluluwa ng namayapang mahal sa buhay, mangumpisal, at ugaliin ang pananalangin bago at pagkatapos ng buong maghapon.
Bukod dito, hinamon rin ng Obispo ang mananampalataya na magsagawa ng corporal works of mercy bilang pakikiisa sa misyon ni Hesus na kalingain ang sangkatauhan sa kabila ng mga pagkukulang at ipadama ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sanilikha.
Mensahe ni Bishop Santos na maging tapat sa mga alintuntunin ng Panginoon upang maisakatuparan ang hamon at maging biyaya sa kapwa.
“To fulfill these challenges this Lenten period is to be good, to do good. These activities are beneficial to all, to bless and be a blessing to others,” ani ni Bishop Santos