228 total views
Homily
Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle
Ikalawang Nobenaryo ng Kapistahan ni San Jose – St. Joseph Shrine
March 11, 2019
Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, una po sa lahat magpasalamat tayo sa Diyos, Siya po ang nagtipon sa atin, Siya ang tumawag sa atin para maging isang sambayanang nananalangin, nakikinig sa Kan’yang salita at pinagpapanibago lalo na po ngayong naghahanda tayo sa kapistahan ng ating Patron na si San Jose.
Nagpapasalamat din po ako sa ating butihing Kura Paroko kay Father Ronald na nag-anyaya sa akin na makibahagi sa inyo sa nobenaryong ito.
Bukod sa nagkataon na libre ako sa oras na ito at araw na ito, talagang gusto ko hong mag-misa rito kasi noong ako’y seminarista noong 1970’s nag-apostolate ako dito sa parokya na ito, si Msgr. Arsenio Bautista ang Parish Priest kaya lang sandali lang ho kasi nilipat kami lahat sa UP sa Krus na Ligas, pero kahit sandali ay naging bahagi ng aking paghuhubog bilang seminarista ang St.Joseph dito po sa Cubao kaya magandang makabalik dito.
Si Msgr. Arsenio Bautista ay nagdiwang kahapon ng 69th anniversary nang pagka-pari ano ho, kaya pinapaalalahanan ko siya lagi, “Monsignor, noong parish priest kayo, alam ko na sa St.Joseph. Seminarista ka,” Kaya hindi nawawala sa kanyang alaala ang parokyang ito.
Pagdasal po natin si Monsignor bagamat medyo humihina-hina na 95 ba o 96 years old pero malinaw ang isip at nag-aalab parin sa paglilingkod.
Ang atin pong mga pagbasa ngayong Lunes sa unang linggo ng kuwaresma o paghahanda para sa Pasko ng pagkabuhay ay nakatutok sa paggawa ng kabutihan sa kapwa. Sabi nga po nila ang kuwaresma ay may tatlong pundasyon bilang paghahanda sa pagsama kay Hesus sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay.
Ang tatlong yan ay Panalangin, Pag-aayuno at Kawanggawa, at kung titingnan po natin araw-araw mayroong focus ang mga pagbasa at ngayong araw na ito malinaw na ang focus ay ang pagkakawanggawa, pag-gawa ng mabuti sa kapwa.
Subalit ang kawanggawa kung ibabatay sa unang pagbasa mula sa aklat ng Leviticus, ang kawang-gawa ay nakabatay sa kalooban o utos ng Diyos na dapat pakinggan. Kung kaya ang pag-gawa ng mabuti sa kapwa ay kaugnay rin nang panalangin, pakikinig sa Diyos at ang aking napakinggan na ka lugod-lugod sa kanya pagkatapos pakinggan ay isasagawa.
At sa unang pagbasa malinaw na malinaw na ang tinatawag nating utos ng Diyos ay para sa kabutihan natin at kabutihan ng kapwa. Ang kanyang iniuutos ay kung papaano tayo mag-iisip, mag-uugali at kikilos ng hindi naglalapastangan sa kapwa kun‘di iniisip at isinasagawa ang makabubuti sa kanila lalo na yaong mga mahihina.
Huwag mong pag-uusapan at pagtatawanan ang bingi, sakit natin yan. Buti mayroon tayong mga kapatid na hearing impaired na nandito.
Cardinal Tagle greeted the deaf and mute community in sign language) Sakit natin yan, kapag alam nating hindi naman tayo naririnig pinag-uusapan.
“Okay lang hindi naman tayo naririnig, kapag kaharap natin banyaga, “Di naman yan nakakaintindi ng Tagalog,” pag-uusapan, pagchi-chismisan.
Sabi sa unang pagbasa, huwag kang maglalagay nang balakid sa bulag hindi nga niya nakikita yung daan. Huwag mong lagyan nang katitisuran niya tapos magtatawanan,Ah! hindi nakita!” Lahat yan ay nasa utos ng Diyos, utos dahil iniisip ng Diyos ang kapakanan ng bawat isa lalo na yaong mga walang kalaban-laban sa buhay.
Kaya kapag ang nasa sa isip, puso, pagtatanim ng galit, pag-iisip ng masama, umuuwi sa hindi magagandang gawa, lahat yan pinag-uusapan sa unang pagbasa. At parang sinasabi sa unang pagbasa, para makagawa ng mabuti, para magkawang-gawa simulan sa pananalangin, makinig sa salita ng Diyos. Dibdibin ang salita ng Diyos, hayaan ang salita ng Diyos na umukit sa ating puso, halughugin ang ating kalooban, at ‘pag-katapos isa loob, isagawa.
Pero nakapagtataka po sa Ebanghelyo maraming gumawa ng mabuti na hindi nila alam na iyon ay ginagawa nila para sa Diyos. Ito ay napakahalagang aral, “kailan ka namin nakitang nagugutom, kailan ka namin nakitang nauuhaw, kailan ka namin nakitang walang damit, kailan ka namin na kitang walang bahay, kailan ka namin nakitang may sakit o nasa piitan. Hindi ka namin nakita pero sabi mo pina-inom kita, pinakain kita.” Sabi ni Hesus, “basta ginawa mo sa iyong maliliit na kapwa, Ako yon. Sa akin mo ginawa.”
“At dahil hindi mo rin ginawa sa kapwa mo hindi mo yan ginawa sa akin. Hindi lamang ‘yung kapwa mo ang iyong pinagkaitan ako rin ang iyong pinagkaitan.Ito ay bagong utos, Pag-ibig. Pag-ibig kay Kristo na naipapakita kahit hindi mo kilala. Hindi ka nagtatangi na, iibigin ko dahil kilala ko pero ‘yung hindi ko na kilala ay nako, hindi na.
Noong bata-bata po akong pari, sabagay mukha pa naman akong bata at isip bata. Noong bata-bata akong pari nagbu-bus at lagi akong naka maong at t-shirt. At dahil nag-aaral pa ako dito sa Manila uuwi ako sa Cavite ganyan, kasi no’ng batang pari ako kasi na ordinahan po akong pari hindi pa tapos ang school year, kaya nag-aaral pa pero umuuwi sa Cavite kapag Linggo tumutulong na sa misa.
Na alaala ko po ako’y naimbitahan sa piyesta sa isang baryo doon sa Cavite pagtingin ko sa Baclaran puno yung mga baby buses kaya nakatayo ako. Ang hirap na kasi maliit na bus tapos nakatayo ka tapos mayroon akong bag yung mga gamit ko nakasukbit sa aking balikat, hindi ko alam yung babae na nakaupo sa tabi ko nasasaktan pala kasi kapag umuuga yung bus yung bag ko tumatama sa balikat niya.
Pinalo ako, sabi “Boy yang bag mo ha kanina pa tumatama sakin, sorry po, sorry po.” Hanggang nakarating na ako doon sa pagmimisahan pumunta ako sa bahay noong katiwala naghilamos, nagbihis. Kumanta ngayon ang choir. Maliit lang naman yung kapilya, humalik ako sa altar, “sa ngalan ng Ama” – aba yung babae nandoon sa unahan. Napanganga ako napanganga din siya nagngangahan kami. (crowd laughs)
Tapos po hindi nangumunyon (crowd laughs) at pagkatapos ng misa nilapitan ako. Iba na ang tono. Father pari pala kayo, sabi ko “Oho,” “Kasi naman kung alam ko lang na pari kayo, ako na ang tumayo at kayo ang pinaupo ko doon sa bus. Sabi ko, ay hindi ho naman ako, hindi ko rin ho tatanggapin okay lang ho wala pong problema. Eh kasi naman pari ka pala, ba’t ka naman nagsusuot ng ganyang t-shirt mukha kang ordinaryong-ordinaryo, tapos pati ang pantalon mo maong ordinaryong-ordinaryo, kung gusto mong igalang ka mag-ayos-ayos ka ng damit mo!
Aba! sabi ko, mawalang galang na po kahit na po gusgusin, warak-warak ang damit at hindi pari, igalang naman natin.Bakit? Sino ba ako? damit? damit ko lang ba ang nararapat igalang? Ito bang mukhang ito ay hindi kagalang galang? (crowd laughs) kaya iniutos na ni Hesus yan.
Iniutos bilang udyok ng pag-ibig kasi mula noon hanggang ngayon pareho parin ang sakit ng sangkatauhan. Sinusukat ang tao hindi sa kanyang pagkatao kun’di, “ano ba ang suot mo?” “Kilala kaba?” “Hindi ko naman alam na ikaw si Hesus.” Hindi ko naman alam na ikaw ay pari. Hindi ko naman alam na ikaw ay ganyan. E kung hindi mo alam puwede nang maliitin?
Pakikinig sa salita ng Diyos sa utos ng Diyos at pagsasagawa nito kahit hindi ko kilala basta kapwa kita kung wala mang pagkaing maibibigay, inumin, damit kung wala man kahit paggalang. Kaya nga sabi pa ni Hesus, “Mahalin mo ang iyong kaaway.” Pati kaaway kapwa pa rin, at kapag may pangangailangan ang kaaway magkakawang gawa ka.
Ang sakit ano ho? Pero yan ang kalugod-lugod kay Hesus. Dahil si Hesus ay namatay sa krus hindi para lang sa kakilala Niya at mababait na tao, namatay Siya sa krus para sa lahat. Kumikilala man sa kanya o hindi.
Ito pong lent, focus tayo sa kawanggawa, utos yan ng Diyos at isasagawa na may pag-ibig para sa lahat. Ang atin pong kapistahan ay nakatutok kay San Jose bilang huwaran ng mga kabataan dahil Year of the Youth.
Sa unang pagbasa sumunod, pakinggan at sumunod sa utos ng Diyos. Naku po ang mga kabataan ngayon huwag na huwag mong mauutusan. Allergic ang maraming bata sa command. Hindi uso ang salitang commandment sa mga bata. Marinig palang command, off na yan. Kaya maganda na tularan si San Jose kapag sinabing commandment of God, hindi naman yan para kang busabos na pinupukpok ng isang nangaalipin sa iyo.
Sa karanasan ni San Jose at sa ating unang pagbasa ang tinatawag nating utos ng Diyos ay ang pagpapakita niya ng Kan’yang kabutihan para sa ating lahat. Hindi ba mabuti yung, huwag kang magnakaw? Aba’y mabuti yon para sa ating lahat, ‘di ba? Ba’t parang ayaw niyo? huwag kang papatay, ‘di ba mabuti yan? Huwag kang mangangalunya, ‘di ba mabuti yan? Huwag kang magnanasa sa asawa ng iba, ‘di ba mabuti yan? ‘Wag mong pagnasaan ang ari-arian ng iba, ‘di ba mabuti yan? ‘Wag kang magkakalat ng fake news, ‘di ba mabuti yan? O eh bakit allergic tayo sa commandments? Kahit maganda yung pinapakita hindi ata yung commandment mismoh, ang problema natin. Ang problema ay kayabangan, ayaw masasabihan at ‘yan ay hindi lamang sa kabataan, pati sa hindi na bata yan parin ang sakit.
Pero si San Jose, kabataan, nasaktan ang kan’yang batang kasintahan, si Maria ay nagdadalang tao na at alam n’ya hindi ako ang ama. Pero ayaw n’yang ipahiya si Maria, tahimik nalang s’yang aalis para kung may maninisi man, siya at hindi si Maria ang sisisihin. Iisipin ng mga tao ang ama n’yan ay si Jose kasi alam nila magkasintahan. Bakit tumakas si Jose? Pero sa panaginip sinabi ng anghel kay Jose huwag kang matakot na kunin si Maria bilang iyong asawa at ang kan’yang anak bilang iyong anak.”
Walang kayabang-yabang si Jose, sumunod sa kalooban ng Diyos dahil ang kalooban ng Diyos ay laging para sa ikabubuti nating lahat. Kaya tayong hindi na bata ipakita natin sa kabataan ang kagandahan ng pagtalima sa kalooban ng Diyos, ito ay hindi kawalan ng dangal, hindi ito pagiging alipin na walang isip, nawawalan na’ko ng sarili kong pagpapasya. Kapag ang Diyos ang nag-uutos yan ay para sa kabutihan. Kailangan ng iwaksi ang kayabangan at maging handa tumalima sa Kan’ya.
Subukan natin ngayon. Sabi ni Hesus kapag sinampal ka sa isang pisngi, ibigay mo yung isa pang pisngi, pakisampal po yung katabi ninyo, tingnan natin kung ibibigay yung kabilang pisngi. Oh wala na, ang hirap talaga (crowd laughs) Kaya San Jose tulungan niyo po hindi lang ang kabataan lahat po kami manatiling bata, in a sense na kumikilala sa isang Diyos na higit na nakikilala ang ikabubuti.
At pang huli sa ebanghelyo hindi lang yung pakikinig sa utos ng Diyos kung hindi paggawa. Alam n’yo si San Jose sa lahat ng ebanghelyo walang na-i-record na kan’yang salita. Mabuti pa si Maria mayroong mga salita ni Maria na natatandaan sa ebanghelyo yung “Narito ang alipin ng Panginoon” si Maria ‘yon. O kaya, “Paano mangyayari yon? Wala akong asawa.” O kaya sabi ni Maria doon sa kasalan sa Cana, “gawin ninyo ang iuutos.”
Tapos yung mahabang-mahabang salita ni Maria, “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon!” Mabuti pa si Maria ang daming salita niya ang na-i-record, si San Jose wala. Pero wala mang salita, ang ginawa ni San Jose ang nagligtas sa salita ng Diyos na nagkatawang tao. In Silence he took Mary and her son as his own son. In silence he carried Mary and Jesus to Egypt to save the child. In silence he went back to Jerusalem to look for the lost Jesus. In silence he took care of him in Nazareth where He grew in wisdom, in age and saved by God in silence.
Ang kan’yang katahimikan sa salita ay nangusap sa kan’yang gawa para kay Hesus. Ang mundo natin pangit ang salita, hate Speech, mga trolls, fake news, mga masasakit na salita kung hindi man binibigkas, tinetexts, ini-email, bina-viber, ini-instagram. Pwede kaya kay San Jose tumulad? Pwede bang tumahimik at magsalita na lamang sa pamamagitan ng gawa. Let your actions speaks.
Sa mga kabataan sana matutunan ninyo ang kagandahan ng katahimikan, hindi yung katahimikan na walang pakialam kun’di yung katahimikan na abala sa paggawa walang oras ngumawa. ‘Yung iba ang daming oras ngawa ng ngawa wala nang oras para gumawa. Pwede kaya nating baliktarin? Gamitin ang oras sa paggawa at bawasan na ang ngawa ng ngawa, dada ng dada, na nagpapangit sa mundo na tumitimo at nananakit ng puso.
Samantalang yung gawa na nagpapakain ,nagpapainom, nanghihilom yan ang isagawa at bigkasin. Susundin ko po ang sinabi ko tama na ang salita, titigil na po ako dito. (crowd laughs) At ipinalangin po natin sa Diyos sa tulong ni San Jose na lahat tayo lalo na ang kabataan, maging bukas sa kalooban ng Diyos, at sa katahimikan gumawa ng mabuti para sa kapwa dahil ang kabutihan sa kapwa ay kabutihan na ginagawa para kay Hesus, ang anak ni Jose.