192 total views
Umaasa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na makatuwang ng Simbahan ang pamahalaan sa pagtugon sa lumalaking bilang ng mga stateless Filipino children sa iba’t-ibang bansa.
Ito ang ibinahagi ni Rev. Fr. Resty Ogsimer, Executive Secretary ng kumisyon kaugnay sa tema ng 33rd National Migrants’ Sunday ngayong taon na “Stateless Filipino Children: A Challenge for the Church” na alinsunod na rin sa paggunita ng Year of the Youth.
Ayon kay Father Ogsimer, batay sa mga ulat ng mga Filipinong Pari sa iba’t-bang bansa ay patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga stateless Filipino children sa ibayong dagat.
Sinabi ng Pari na marami sa mga ito ay hindi mabigyan ng maayos na pagkilala sa estado ng kanilang mga magulang na OFW dahil sa kawalan ng maayos na dokumento o estado ng pamilya.
Kaugnay nito, umaasa si Father Ogsimer na matugunan ang naturang sitwasyon upang mabigyan rin ng naaangkop na pagkilala at pagkakakilanlan ang mga kabataang Filipino saan mang panig ng mundo.
“In our celebration ang isang sektor na binibigyan natin ng tutok ay yung mga stateless Filipino Children sa ibang bansa kasi dumadami ito ngayon and sabi ng ating mga chaplains hindi na raw maitago because of the increasing numbers so isa itong sektor ng ating kumunidad ng Simbahan na nais nating bigyang pansin at tulungan sila kung papaano mareresolve ang issue na ito…” pahayag ni Fr. Ogsimer sa panayam sa Radyo Veritas.
Tiniyak ng Pari na nakahanda ang Simbahang Katolika na makipagtulungan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan upang matugunan ang lumalaking bilang ng mga stateless Filipino Children sa iba’t ibang bansa.
Paliwanag ni Fr. Ogsimer, bagamat may mga programa na ang pamahalaan tulad ng Refugees and Stateless Persons Protection Unit ng Department of Justice ay mahalaga ring magkaroon ng partisipasyon ang Simbahan at magtulungan ang iba’t ibang sektor ng lipunan upang agad na matugunan ang problema ng paglaki ng bilang ng stateless Filipino children bago sumapit ang taong 2025.
“kasi syempre ang Simbahan isa lang tayo sa mga players dito, ang DOJ mayroon silang special section ang Department of Justice yung kanilang RSPP Unit ito yung Refugees and Stateless Persons Protection Unit so meron din silang programa na inaaddress itong statelessness so pwede tayo laging makipag-coordinate and possibly we can push partnership with this agencies kasi ang target is by 2024 – 2025 ma-resolve na…” dagdag pa ni Father Ogsimer.
Kabilang sa mga tinukoy ng Pari na mayroong mataas na bilang ng mga stateless Filipino children ay sa Sabah Malaysia kung saan aabot sa mahigit 10-libong bata ang anak ng mga migranteng Filipino na ilegal na nakapasok sa bansa at walang maayos na papeles o dokumento.
Bukod dito mataas rin ang bilang ng mga stateless Filipino children maging sa mga bansa sa Gitnang Silangan o sa Arabian Peninsula partikular na sa Saudi Arabia, Oman, Kuwait at Qatar.
Taong 1987 ng itinalaga ng mga Obispo ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas ang paggunita ng National Migrants’ Sunday tuwing unang Linggo ng Kwaresma upang pagtuunan ng pansin ang kalagayan ng mga migrante partikular na ang sitwasyon ng mga OFW.