841 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang buong Archdiocese of Manila na isama sa Panalangin ng Bayan sa bawat Misa na ipagkaloob ng Panginoon ang biyaya ng ulan na kinakailangan ng bansa sa gitna ng krisis sa kakulangan ng tubig.
Sa circular letter na nilagdaan ni Cardinal Tagle para sa mga Rector, Parish Priest, Chaplains, Religious Communities at Heads ng Secular Institutes ng Archdiocese of Manila ang paanyaya ng Cardinal na magkaisa sa pananalangin para sa ulan na kailangan na dulot ng tagtuyot.
Paliwanag ni Cardinal Tagle, tanging ang Diyos ang makatutugon sa kinakaharap na krisis sa tubig ng bansa na tinukoy ng mga eksperto na mild El Niño sa pamamagitan ng pananalangin.
“We are currently facing a crisis in the water. Experts reported that we are experiencing a mild El Niño. People tasked with managing our water resources have warned that we faced a crisis in these areas. Our relief will come from nature. And so we implore the Master of all creation, God, Our Father, at whose command the winds and the seas obey, to send us rain,” ang bahagi ng Circular Letter ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Bahagi rin ng panalangin na matagpuan nawa sa Panginoon ng bawat isa ang ganap na pananagutan hindi lamang sa kapwa kundi maging sa kalikasan at lahat ng biyayang ipinagkatiwala ng Panginoon sa sanlibutan.
Kaakibat ng kautusan ang isang panalangin para sa ulan na babasahin sa Prayer of the Faithful sa pang-araw-araw na misa at sa misa ng linggo sa lahat ng parokya.
Hinimok din ni Cardinal Tagle ang lahat na gamitin ng tama ang tubig at kuryente upang hindi na makadagdag sa lumalalang problema.
Nanawagan naman ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa publiko na maging mahinahon sa gitna ng umiiral na kakulangan sa tubig sa bansa.
Bukod sa mga residente na naapektuhan ng kakulangan ng tubig sa malaking bahagi ng Luzon ay limang ospital sa Metro Manila kabilang ang Rizal Medical Center sa Pasig; National Center for Mental Health sa Mandaluyong; National Kidney and Transplant Institute; Philippine Children’s Medical Center at Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City.
Una na ring nanawagan ang Santo Papa Francisco sa mga mananampalataya hinggil sa kahalagahan ng malinis na tubig na kinakailangang pangalagaan ng bawat isa.
Ayon kay Pope Francis ang pagkakaroon ng tubig ay isang karapatan ng bawat tao.