220 total views
Patuloy na ipagdasal ang Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang panawagan ni Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People sa pahayag ng Pangulong Duterte laban sa mga lingkod ng Simbahang Katolika.
Sa halip na makipagbangayan sa Pangulong Duterte, iginiit ni Bishop Santos na dapat nakatuon ang mga Pari, Relihiyoso at mga Madre sa misyong iniatang ng kanilang bokasyon sa pagsisilbi sa sambayanan ng Diyos na ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga.
“I turn my other cheek. We continue to pray, and pray for him. We just focus doing what is best, what beneficial to our people,” ang mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Magugunitang sa pagtitipon ng National Peace and Order Council na ginanap sa Davao City noong nakalipas na lingo, sinabi ng pangulo na wala itong pakialam kung mamamatay ang lahat ng Pari dahil maluwag pa ang mga sementeryo sa bansa.
Ang pahayag ng Punong Ehekutibo laban sa mga Pari ay kaugnay sa death threats na natanggap nina Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Fr. Albert Alejo, SJ, Fr. Flavie Villanueva, SVD at Fr. Robert Reyes dahil sa alegasyong pangingialam sa mga polisiya ng administrasyong Duterte.
Ang nabanggit na personalidad ng Simbahang Katolika ay hayagang pumupuna sa mga maling polisiya ng administrasyon na nakasisira sa pagkatao at nakalalabag sa karapatan ng bawat mamamayan partikular ang kampanya kontra droga ng pamahalaan.
Nabatid sa mga datos ng iba’t-ibang human rights group na ang kampanya kontra droga ng administrasyon ay kumitil ng higit 20,000 indibidwal kung saan higit sa 5,000 dito ay napaslang sa mga lehetimong operasyon ng pulisya.
WALANG DAPAT IKATAKOT
Nanindigan si Bishop Santos na walang dapat ikatakot ang mga Pari at Obispo sa halip ay lalong pagtibayin ang pananampalataya at sundin ang kalooban ng Diyos na maglingkod sa tao.
“There is nothing to be afraid, even with threats or offensive words we priests must be firm with our Catholic faith, faithful to our calling,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Ipinaliwanag ng Obispo na marami nang napagdaanang hamon at karahasan ang Simbahang Katolika sa nakalipas na 2,000-taon subalit nananatili itong matatag sapagkat ito’y itinatag ni Kristo at binigkis ng pagmamahal ng Panginoon.
Ipinaalala ni Bishop Santos na bilang mga pastol ng Simbahan na pinagkatiwalaan sa pangangalaga ng kawan ng Diyos ay marapat lamang na ialay ang buhay para sa sambayanan at tupdin ang kalooban ng Panginoon.
“As priests, our lives are for the Church, for God’s people. This is our calling, we just fulfill God’s call.” ani ng Obispo.