184 total views
Paglaanan ng oras na makapagpahinga ang kalikasan.
Ito ang paanyaya ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa lahat ng mamamayan na makiisa at makilahok sa Earth hour 2019.
Hinikayat ni Cardinal Tagle ang lahat na pagpahingain muna ang kalikasan upang tumagal ang buhay at sumagana ang buhay ng bawat tao.
“Mga Kapanalig, ito po si Cardinal Chito Tagle ng Archdiocese of Manila, inaanyayahan ko po kayo na makilahok sa Earth Hour 2019. Ito po ay sa March 30 mula alas 8:30 ng gabi, one hour hanggang 9:30 ng gabi. Anong gagawin natin nun? Medyo patayin muna natin ang mga appliances at mga gamit na may kuryente para pagpahingahin muna natin ang kalikasan.Ang atin pong kalikasan na makapagpapahinga ay magtatagal ang buhay para naman ang ating buhay ay sumagana. Sige po simple lang ito Earth Hour March 30, 8:30 hanggang 9:30 ng gabi.” panawagan ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas
Naunang nanawagan si Cardinal Tagle ng dasal para ipagkaloob ng Panginoon ang ulan dahil sa krisis sa tubig dulot ng El Nino phenomenon, climate change at kawalang pagpapahalaga ng mga tao sa kalikasan kapalit ng modernisasyon.
Read: Panalangin para sa ulan, panawagan ng simbahan
Kaugnay nito, hinimok ni San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto ang mga mananampalataya na isabuhay ang adbokasiya at pag-uugaling nais ituro sa mga tao ng programang Earth Hour, ang pinakamalaking grassroot movement para sa kalikasan sa mundo.
Ayon sa Obispo, sa pamamagitan ng maliliit na hakbang ay nababago ang pag-uugali ng mga tao na waldas sa paggamit ng kuryente at iba pang likas na yaman ng mundo.
Paliwanag ni Bishop Presto na ang Earth Hour ay gawaing pakikiisa sa kalikasan at sa simpleng pagpapatay ng mga kagamitang labis na kumokonsumo ng kuryente ay nakatutulong ang mamamayan sa pagpapanatili ng enerhiya ng mundo.
“Sa little practice na ito ng Earth Hour ay mag-iiba ng attitude sa atin sa mga maliliit na bagay na pwede nating ma practice sa ating tahanan office, school kung saan ay pwede nating ma bawasan ang konsumo ng kuryente,” pahayag ni Bishop Presto sa Radyo Veritas.
Iginiit ng Obispo na sa pamamagitan ng pakikiisa ng kanilang Diyosesis sa Earth Hour ay nabibigyang diin ang kanilang pagtutol sa Coal Fired Power plant na planong itayo sa kanilang lugar.
Sinabi ni Bishop Presto na sa pagtitipid sa kuryente ay nababawasan ang konsumo ng maruming enerhiyang mula sa coal.
“Ang sinasabi namin sa aming manifesto ay gumamit tayo ng mga natural, yung renewable energy katulad nga ng paggamit ng solar and so on. Ang coal fired power plant ay maaring makasisira sa ating kalikasan at sa ating sarili sa kalusugan natin,” ayon pa kay Bishop Presto.
Nananawagan din ang Obispo sa mamamayan na magtipid hindi lamang sa kuryente kungdi maging sa ang iba pang likas na yaman ng mundo tulad ng tubig at pagkain.
Ayon kay Bishop Presto, ang pagtitipid at maayos na pangangasiwa sa yaman ng kalikasan ay hindi lamang dapat gawin ngayong Earth Hour kungdi isinasabuhay ito sa araw-araw.
“Pagtitipid ang isang hinihikayat sa atin Kaya ako po ay nananwagan sa inyo sa ngalan ng Radio Veritas na nawa ay maisagawa natin itong Eath Hour hindi lang ngayong march 30 kun’di sa mga darating pang pagkakataon maging attitude sana natin ang pagtitipid sa paggamit ng kuryente bilang pakikiisa natin sa kalikasan,” panawagan ng Obispo.
Ang Earth Hour ay inisyatibo ng grupong World Wide Fund for Nature-isang international non-government organization na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan.
Taong 2007 nang unang isagawa ang programa sa Sydney Australia, at 2008 naman nang ilunsad ito sa Pilipinas.
Sa Pilipinas ngayong ika-30 ng Marso, ipagdiriwang ang ika-12 taon ng Earth Hour sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Bilang pakikiisa ng Simbahang Katolika sa earth hour, live na mapapakinggan sa Radio Veritas 846 mula alas-otso hanggang alas-diyes (8:00PM-10:00pm ang “Banal na Oras para sa Kalikasan” o sama-samang pagdarasal para sa kalikasan sa Our Lady of Remedies o Malate church gayundin ang “switch-off” activities sa Globe Circuit Events Ground Makati.
Noong 2018 umabot sa 188 mga bansa ang nakiisa dito at mahigit 17, 900 mga institusyon at establisyimento kabilang na ang mga simbahan, ang nakiisa sa pagpapatay ng kuryente.