223 total views
Mga Kapanalig, sinasabi sa mga panlipunang turo ng Simbahan na tungkulin ng mga namamalakad ng ating pamahalaan na tiyaking nakakamit ng mga mamamayan ang kanilang mga karapatan, kabilang rito ang pagkakaroon ng sapat at malinis na tubig. Samantala, ang pribadong negosyo ay dapat nakatuon sa pagtulong sa mga taong makamit ang kanilang mga pangangailangan at hindi sa pagkakaroon lamang ng malaking kita. Katulad ng pamahalaan, ang mga negosyo ay nariyan upang maglingkod sa tao, hindi ang tao ang maglilingkod sa kanila.
Sa nangyayari ngayong krisis sa tubig na nakaaapekto sa 1.2 milyong customers ng Manila Water, mahirap maaninag kung interes nga ba ng mga mamamayan ang inuuna ng ating pamahalaan at ng mga negosyanteng pinagkatiwalaang pangasiwaan ang suplay ng tubig.
May mga nagsasabing gawa-gawa lamang ang krisis sa tubig. Kung may fake news, may fake crisis na rin! Bakit daw walang tubig ang mga customers ng Manila Water samantalang tuluy-tuloy ang suplay sa mga lugar na sineserbisyuhan ng Maynilad? Bakit daw bumababa ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam gayong normal ang lebel ng tubig sa Angat Dam? Noong una, El Niño ang sinisi ng pamunuan ng Manila Water. Sumunod rito ang pag-amin ng Manila Water na hindi nito natapos ang isang treatment facility na magdadagdag dapat ng suplay ng tubig.
Ngunit ngayon, inuugnay na ang krisis sa pagtatayo ng Kaliwa Dam na ang 85% ng kabuuang halaga ay uutangin ng pamahalaan mula sa China. Noong pang isang taon naging “done deal” o napagkasunduan na ng pamahalaang Pilipinas at China ang pagpapatayo ng dam na nakatutulong daw na masolusyonan ang kakulangan ng suplay ng tubig para sa napakalaki at lumalaking populasyon ng Metro Manila. Sabi ng MWSS, kasado na ang proyekto at hindi na raw ito dapat ipagpaliban, kahit pa tumututol ang ilang bayan sa Quezon at Rizal gayundin ang mga katutubong itinuturing na ancestral domain ang mga kabundukang daraanan ng imprastraktura. Nagbabala rin ang mga environmental groups katulad ng Haribon na sisirain ng Kaliwa Dam ang tahanan ng libu-libong hayop at halaman sa Sierra Madre, at hindi na maibabalik ang balanse sa ating kalikasan kung mawala ang mga ito. Suportado ng Diyosesis ng Infanta, sa pamamagitan ni Bishop Bernardino Cortez, ang mga grupong tumututol sa imprastrakturang ipinipilit ng administrasyong Duterte na ipatayo.
Ang problema ng kakulangan ng tubig sa Metro Manila ay isyung dapat alamin, intindihin, at usisain nating lahat. May epekto sa ating lahat ang anumang hakbang na ginagawa ng ating mga lider at ang pinapasok nilang kasunduan sa mga pribadong negosyo. Kung ipipilit ng pamahalaang itayo ang dam sa kabila ng panganib na dala nito sa kalikasan at sa mga taong nakatira sa paligid nito, magkakaroon nga ng tubig ang mga taga-Metro Manila ngunit mamamatay naman ang maraming hayop at halaman at mapapaalis naman sa kanilang tahanan ang mga kababayan nating katutubo. Kung totoong malulubog tayo sa utang sakaling China nga ang magpondo ng malaking bahagi ng gagastusin para sa Kaliwa Dam, tayong lahat ang magbabayad nito, hindi lamang ang mga taga-Metro Manila. Maging babala sana para sa atin ang nangyayari ngayon sa ibang bansang lubog sa utang sa China, gaya ng Sri Lanka na ipinaubaya na sa China ang kanilang pangunahing pantalan sa loob ng halos 100 taon dahil hindi nila kayang bayaran ang kanilang utang!
Sa huli, mga Kapanalig, nasa kamay nating lahat kung pahihintulutan nating matuloy ang mga imprastrakturang magdudulot ng malawakang pinsala sa tao at kalikasan, at maglalagay sa mga susunod na henerasyon sa malalim na pagkakautang. Maliban sa pagtitipid ng tubig sa harap ng krisis na ito, mahalagang sinusubaybayan din natin ang mga ginagawa ng pamahalaan dahil apektado tayong lahat ng gagawin nilang mga pagpapasya.