343 total views
Kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga Filipinong manggagawa sa ibayong dagat.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) malaki ang maitutulong ng nilagdaang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Japan na maiwasan ang iligal na pagtrabaho ng mga Overseas Filipino Worker sa ibang bansa.
“We, at the CBCP-ECMI, are grateful and appreciative with their caring efforts to promote and safeguard our OFWs,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Batay sa nilagdaang Memorandum of Cooperation sa pagitan ng dalawang bansa, palalakasin ang maayos na pangangalaga sa kapakanan ng mga OFW sa Japan sa ilalim ng bagong specified skills residency sa nasabing bansa.
Sa pahayag ni Department of Labor Secretary Silvestre Bello III, layunin ng kasunduan na maiwasan ang kumakalat na illegal recruiters na nambibiktima ng mga Filipinong nangangarap maghanapbuhay sa ibayong dagat at sinasamantala ang pangangailangan ng iba.
Iginiit ni Bishop Santos na mas mapapabuti ang kalagayan ng mga OFW sa Japan sa ilalim ng kasunduan dahil magagabayan sila sa wastong proseso.
“It is recommendable, very valuable and so helpful the signing of memorandum of cooperation between our country and Japan for the welfare and wellbeing. With this our OFWs to be hired will be truly guided for the process of recruitment and deployment, they will be properly guarded and protected from illegal recruitments.” dagdag ni Bishop Santos.
Pinangunahan ang paglagda ng MOC noong ika – 19 ng Marso nina Labor Secretary Silvestre Bello III at Japanese Justice Minister Takashi Yamashita na ginanap sa Tokyo Japan.
Sa pagtaya ng kalihim, 30 porsyento sa higit 350, 000 trabahong bubuksan sa Japan ang pakikinabangan ng mga Filipino skilled worker simula sa ika – 11 ng Abril.
Sa ilalim ng kasunduan, magsisilbing contact point para sa pagproseso at accreditation ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) habang ang Philippine Labor Overseas Labor Office (POLO) – Japan naman ang mangangasiwa sa beripikasyon ng mga dokumento ng bawat OFW, onsite coordination at mamahala sa kapakanan ng mga manggagawa.
Sa huling tala ng pamahalaan noong Hunyo 2018, nasa 280, 000 ang bilang ng mga Filipinong nagtatrabaho sa Japan kung saan higit 30, 000 dito ay mga professional at high skilled workers.
Ikinatuwa ni Bishop Santos ang pagkilala ng dayuhang bansa sa talento at kakayahan ng mga Filipino kung saan kaakibat ng kasipagan ay ang dedikasyon at pagmamalasakit sa trabaho.
“With hiring of ‘specified skilled workers’ is recognition of the qualifications of our OFWs as highly knowledgeable, trustworthy and dependable workers,” saad ni Bishop Santos.