30,479 total views
Makikiisa ang Diocese of San Jose, Nueva Ecija sa gaganaping Earth Hour sa Sabado.
Ayon kay San Jose Bishop Roberto Mallari, mahalagang makikiisa ang simbahan upang mapataas ang kamalayan ng mamamayan hinggil sa pangangalaga sa kalikasan.
Ang Earth Hour ay isasagawa araw ng Sabado, ika-30 ng Marso, ganap na alas-8:30 medya hanggang alas-9:30 ng gabi.
Dagdag pa ng Obispo, ang sama-samang pagpatay ng kuryente ay simbolo ng pagtulong-tulong ng bawat isa upang ipakita ang pagmamahal at pagkalinga sa kapaligiran.
“Para maging aware tayo sa kahalagahan ng common home natin, mahalaga na magising din ‘yung malasakit sa kapaligiran natin at sa nilalang ng Diyos para sa kinikilala nating tahanan nating lahat na dapat nating pangalagaan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mallari sa Radyo Veritas.
Isang malaking hakbang din ang pagtitipid hindi lamang sa kuryente kundi maging sa iba pang likas na yaman, upang na mapangalagaan ang kapaligiran.
Sinabi ni Bishop Mallari na kailangang-kailangan ngayon ang pagtitipid sa tubig lalo’t dumaranas ng tagtuyot ang maraming bahagi ng bansa.
Pinayuhan ng Obispo ang mamamayan na huwag sayangin ang tubig dahil hindi lubos na mauunawaan ng isang tao ang kahalagahan ng tubig hanggang sa tuluyan na itong maubos at maglaho.
“Yung mga nakakaranas ng krisis sa tubig dito sa Manila area, hingin natin yung tulong ng bawat isa, mahalaga po na yung karanasan na ito ay magdala sa atin dun sa tunay na malasakit sa ating kapaligiran at tunay na pagkilala sa kahalagahan ng tubig… Siguro kung minsan, very abundant yung water, they don’t realize na one day mawawala yan kapag hindi tayo nagsama-sama at talagang nagtulong-tulong para pangalagaan yung kapaligiran natin,” ayon pa sa obispo.
Binigyang pansin din ni Bishop Mallari ang kahalagahan ng maayos na pagtatapon ng mga basura.
Giit ng obispo na ang walang habas na pagtatapon ng basura ng mga tao ay nagiging dahilan ng pagkalason ng kalikasan at nakakaapekto sa mga pagkain at inuming tubig.
Kasabay ng Earth Hour ay ang pagtataguyod din sa #AyokoNgPlastik movement ng World Wide Fund for Nature Philippines.
Layunin nito na mahimok ang mga tao lalo’t higit ang mga malalaking kumpanyang lumilikha ng plastik na bawasan at unti-unti ay tuluyan nang itigil ang paggamit at pagkakalat ng plastik na mapanganib sa kapaligiran lalo na sa karagatan at sa mga nabubuhay dito.
Taong 2007 nang unang isagawa ang Earth Hour sa Sydney, Australia, at taong 2008 naman ng inilunsad ito sa Pilipinas.
Ngayong 2019 ang ika-12 taon na makikiisa ang Pilipinas sa Earth Hour, bilang pakikiisa ng Simbahang Katolika, live na mapapakinggan sa Radio Veritas 846 mula alas-otso hanggang alas-diyes (8:00PM-10:00pm ang programang “Banal na Oras” o sama-samang pagdarasal para sa kalikasan sa Our Lady of Remedies Parish – Malate church.