247 total views
Naghahanda na ang pamunuan ng Archdiocese of Cagayan de Oro sa nakatakdang ad limina visit ng mga Filipinong obispo kay Pope Francis sa Roma.
Ayon kay Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma kabilang sa kanilang ninanais na ibahagi at ipagbigay-alam sa Santo Papa ay ang mga programa ng akridiyosesis kabilang na ang usapin ng pagsusulong ng kapayapaan at pagpapatatag ng pundasyon ng pamilya.
Ayon sa Archbishop Ledesma na siya ring Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mutual Relations, kabilang sa kanyang ibabahagi kay Pope Francis ay ang pagsisikap ng arkidiyosesis na maisulong ang pagkapayapaan at pagkakaisa sa pagitan ng mga Katoliko at Muslim lalo’t higit matapos ang pagkakatatag ng panibagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa rehiyon.
“Well sa amin, we would like to report about the peace building efforts lalong lalo na with the Muslim communities after the creation of the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, another report that we could give as for the Archdiocese is our active program on Natural Family Planning and Responsible Parenthood and this through our trainees have been able to share it with several other dioceses that have gone training through our seminar,” ang bahagi ng pahayag ni Archbishop Ledesma sa panayam sa Radyo Veritas.
Pagbabahagi ng Arsobispo, kabilang ang mga Obispo ng Mindanao at ng Archdiocese of Lipa sa ikatlong batch ng mga obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na magtutungo sa Roma para sa Ad Limina visit kay Pope Francis.
“Kasama kami sa 3rd Batch ng mga Mindanao Bishops and Bishops from Lipa Archdiocese that is in the middle of this year, sabi nila ang schedule is around June,” ayon pa sa Arsobispo.
Nauna ng inihayag ni CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles na hinati sa tatlong grupo ang mga Filipinong Obispo na makikibahagi sa nakatakdang Ad Limina visit kung saan ang unang grupo na binubuo ng mga taga-Luzon ay nakatakda sa kalagitnaan ng Mayo, ang ikalawang grupo naman ay magmumula sa Visayas ay sa mga huling bahagi ng Mayo at ang ikatlong grupo na mula Mindanao at Arkidiyosesis ng Lipa ay nakatakda sa pinakahuling linggo ng Mayo hanggang ika – 7 ng Hunyo.
Ang Ad Limina ay ang regular na pakikipagpulong ng mga Obispo ng iba’t ibang bansa sa Santo Papa na ngayong taon ay nakatalaga para sa mga Obispo ng Pilipinas.
Inaasahan naman ang pananatili ng mga Filipinong Obispo sa Pontificio Colegio Filipino sa Roma.
Sa kasalukuyan ang CBCP ay binubuo ng higit sa 90 aktibong obispo mula sa 86 na arkidiyosesis sa buong bansa.