229 total views
Nagtapos sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion–Manila Cathedral ang Journey of the Incorrupt Heart of Saint Camillus de Lellis sa Pilipinas.
Sa farewell mass na pinangunahan ni Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Cardinal Quevedo, ipinaliwanag nito na ang puso ng isang tao ang sentro ng kaniyang damdamin, mga iniisip at saloobin na masasalamin ang tunay na katauhan at kabutihang taglay ng isang tao.
Sinabi ng Arsobispo na ang hindi naaagnas na puso ni San Camillo ang nagpapakita kung ano ang katangian ng Santo, at paano nito inialay ang kan’yang buhay sa Panginoon sa pamamagitan ng pangangalaga sa mga may sakit.
Hinamon din nito ang mga mananampalataya na sa pag-alis sa Pilipinas ng incorrupt heart ni Saint Camillus ay matularan nawa ng mga Filipino ang pagmamalasakit, pag-aaruga at pagmamahal na inialay nito sa mga naghihirap sa karamdaman.
“To serve them was precisely the commitment of Saint Camillus, because he loves Jesus who forgave him on the cross and died for him… The next time you see a beggar my brothers and sisters, do not just pass by, help him with some coins, he needs them more than you do… Let our love be truly Christian, let our love reach out in service to the poor, in the sick, and the needy,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Quevedo.
Pinuri naman ni Father Reginald Malicdem, Rector at Parish Priest ng Manila Cathedral ang aktibong pananampalataya ng mga kabataan na nakita sa pagbisita nang nagdaang dalawang puso ng mga Santo na sina St. Camillus de Lellis at St. Padre Pio.
Ayon sa pari, ipinahihiwatig lamang nito na hindi tumatamlay ang pananampalataya ng mga Filipino at lalo pang sumisigla ang pag-asa nito dahil sa mga aktibong kabataan.
Binigyang diin rin ni Father Malicdem na sa pamamagitan nito ay nararamdaman ng mga kabataan at naipakikita din naman ng simbahan na mayroon silang lugar at mahalaga ang kanilang presensya sa patuloy na pagpapayabong ng pananampalatayang katoliko.
“Magandang pagpapakita ng kamulatan ng kabataan sa pananampalataya natin, yung mga kabataan ngayon nagiging interesado sa mga bagay na ito katulad ng relic at hindi lamang isang aspeto ito kundi yung active involvement nila sa ating simbahan na alam nilang ang simbahan ay may lugar para sa kabataan… Yung mga kabataan na lumalapit, nag vevenerate at kumukuha ng picture, nag seselfie, magandang pahiwatig ito na buhay ang pananampataya ng mga kabataan may pag-asa yung simbahan sa Pilipinas dahil sa buhay na pananampalataya ng mga kabataan,” pahayag ni Fr. Malicdem sa Radyo Veritas.
Ikalawa ng Pebrero nang dumating sa bansa ang Incorrupt Heart ni Saint Camillus de Lellis na mahigit na sa 400-taong hindi naaagnas.
Sa loob ng dalawang buwang pagbisita ng puso ng Santo sa Pilipinas, 22 mga Diyosesis at Arkidiyosesis ang nabisita nito mula Luzon, Visayas at Mindanao.
Bukod pa ito sa pagbisita sa 29 na ospital, 15 mga parokya at 12 bahay ng mga matatanda.
Mula ika-31 ng Marso hanggang unang araw ng Abril ay nanatili pa sa St. Camillus Provincialate, Loyola Heights Quezon City ang puso ni St. Camillus upang bigyan ng sariling pagkakataon ang mga kasapi ng Ministers of the Infirm na makapagbigay galang sa puso ng Santo na nagtatag ng kongregasyon.
Dadalhin naman ang puso ni St. Camillus de Lellis sa Indonesia, bago pa ito tuluyang ibalik sa Roma.