196 total views
Mahalagang matutukan ang paghuhubog sa mga kabataan upang magkaroon ng kakayahan na magnilay sa iba’t-ibang usapin bago gumawa ng anumang hakbang.
Ito ang ibinahagi ni Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Youth Executive Secretary Rev. Fr. Kunegundo Garganta sa mga nararapat na tutukan ngayong Taon ng mga Kabataan kaugnay sa nalalapit na halalan.
Iginiit ng Pari na mahalagang magkaroon ng kakayahan ang mga kabataan na mapagnilayan at matimbang ang mga pamantayan na kanilang gagamiting batayan sa pagpili ng mga kandidatong ihahalal sa nakatakdang May 13, 2019 Midterm Elections.
Sinabi ni Fr. Garganta na dapat naka-ugat sa Salita ng Diyos ang pagninilay hindi lamang ng mga kabataan kundi ng lahat ng mga botante upang mailuklok ang mga opisyal na tunay na makatutugon sa mga problema sa lipunan.
“Paghubog sa kakayahang manila at magtimbang doon sa mga panukala natin, ano ba yung ating mga panukala, ano ba yung ating mga batayan at sukatan ng ating pagpili ng mga pagkakalooban ng ating boto, ng ating paghahalal, so bahagi po ito na palagay ko this is a universal call to help develop in our young people the capacity to discern, nag-uugat sa salita ng Diyos at pagkatapos titingnan ang kalagayan sa lipunan…” pahayag ni Fr. Garganta sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang umapela ng panalangin at suporta ang kumisyon para sa pagganap ng mga kabataang Filipino sa kanilang tungkulin sa pagpapalaganap ng misyon ng Simbahan at pag-unlad ng lipunan.
Batay sa tala ng Commission on Elections (COMELEC), 20-milyon mula sa 60 milyong rehistradong botante ay mga kabataan nasa edad 18 hanggang 35 taong gulang.
Samantala, nakatakda sa ika-23 hanggang ika-28 ng Abril ang National Youth Day sa Cebu City sa pangungunahan ng Archdiocese of Cebu at mga kinatawan mula sa 19 na national youth organizations at 86 na mga diyosesis sa buong bansa.