179 total views
Pinaalalahanan ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga nagnanais mangibang bansa na makipag-ugnayan sa tanggapan ng Philippine Overseas Employment Administrastion upang makaiwas sa pananamantala.
Ito ang tugon ni Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People hinggil sa inilunsad na new visa system ng Japan para sa mga dayuhang manggagawa.
Ayon kay Bishop Santos, kapaki-pakinabang ito sa mga Filipinong nais mangibang bansa upang maitaguyod ang mga pamilya.
“This is beneficial to us [Filipinos], since there are works and great help to their families and to our economy,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Subalit iginiit ng Obispo na dapat hindi habambuhay magpapadala ang Pilipinas ng mga manggagawa sa ibang bansa dahil ito ay nangangahulugan ng sakripisyo, paghihiwalay at paghihirap sa OFW at sa pamilyang maiiwan dito sa Pilipinas.
“We should not be forever a worker sending country. Our government should provide jobs, prioritize Filipino for jobs, not foreigners,” saad ni Bishop Santos.
Batay sa bagong polisiya ng Japan, papayagan ang mga dayuhang manggagawa na may partikular na kasanayan na mag-apply ng dalawang uri ng resident status upang makapagtrabaho sa Japan.
Sinabi ni Bishop Santos na ang patuloy na pagtanggap sa mga OFW sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig ay nagpapatunay na tiwala ang mga dayuhan sa kakayahan at kasanayan ng mga Filipino.
Kaugnay nito, labis na ikinalungkot ng Obispo ang pahayag noon ng isa sa mga opisyal ng pamahalaan na tamad at walang kakayahan ang mga Filipino.
Sa tala ng pamahalaan noong 2017 higit sa 250, 000 ang bilang ng mga Filipinong nanirahan sa Japan dahilan upang maging ikatlong pinakamalaking dayuhang populasyon sa nasabing bansa.
Una nang kinilala ng Simbahang Katolika sa pangunguna ng Kan’yang Kabanalan Francisco ang ambag ng mga Overseas Filipino Workers sa ekonomiya ng Pilipinas at sa kabuhayan ng mga Filipino.