185 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang pinakabagong apostolic exhortation na pinamagatang Christus vivit (o Christ is alive), may dismayadong pahayag si Pope Francis tungkol sa bumababang halaga ng katotohanan sa mundong pinatatakbo ng makabagong teknolohiya at paraan ng komunikasyon. Sabi ng Santo Papa: “Sinasalamin ng paglaganap ngayon ng fake news ang isang kulturang wala nang pagpapahalaga sa kung ano ang totoo at ang pagbabaluktot sa katotohanan para sa partikular na interes.” Ikinababahala rin niya ang malawak na epekto ng tinatawag nating digital world. Aniya, may malalaking pang-ekonomikong interes sa digital world na kayang kontrolin ang mga bagay-bagay nang hindi natin nakikita ngunit nananalakay upang manipulahin ang ating konsiyensya at ang mga demokratikong proseso.”
Dito sa Pilipinas, kitang-kita natin kung gaano kalaganap ang fake news lalo na sa Facebook. Layon ng mga nagpapakalat ng fake news na lituhin ang mga nagbabasa upang paniwalaan ang mali. Ang mas masama pa, ginagamit ang fake news upang galitin ang mga tao at kamuhian at husgahan nila ang isa’t isa. Kaya naman, matapos ang masusing pagsusuri sa napakaraming accounts, sang-ayon na rin sa cybersecurity policy ng kompanya, tinanggal ng Facebook ang mahigit 200 na pages, groups, at accounts dito sa Pilipinas dahil sa tinatawag na “coordinated inauthentic behavior” o kahinahinalang mga gawain, kabilang ang pagkukuntsabahan sa paggawa ng mga fake accounts. Ginagamit ang mga fake accounts na ito sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon at kasinungalingan, and lumitaw na karamihan sa mga ito ay propaganda ng administrasyong Duterte.
Nakalulungkot na maraming tao ang nabibiktima ng fake news dahil may kagat, ‘ika nga, ang mga ito sa mga negatibong emosyong katulad ng takot, pagkabahala, at galit. Nagiging epektibo ang mga ito dahil mukha silang totoong balita kahit na maling datos o hindi totoong impormasyon ang ginagamit ng mga ito. Mas nagmumukhang makatotohanan pa ang mga huwad na balitang ito dahil sinasamahan ng mga imahe o pictures na halata namang dinuktor. Maraming nabibiktima dahil maraming hindi mapanuri.
Maliban sa fake news, ikinababahala rin ni Pope Francis ang pagsasantabi ng kasalukuyang henerasyon sa kanilang kasaysayan. Katumbas ito ng tinututulan natin dito sa Pilipinas na “historical revisionism” o ang pagbabago ng paliwanag sa mga naganap sa kasaysayan. Para kay Pope Francis, ang sabihin sa mga kabataang kalimutan ang kasaysayan ay pagdadala sa kanila sa panganib ng bulag na pagsunod sa kung anumang sabihin sa kanila. Ginagamit ito ng mga populistang lider at kanilang mga tagasuporta upang papaniwalain ang mga mamamayan sa ibang bersyon ng kasaysayan para sa makasariling interes at kapakinabangan ng mga nasa kapangyarihan.
Mga Kapanalig, huwag tayong maging instrumento ng pagpapakalat ng fake news at historical revisionism, lalo na ngayong panahon ng eleksyon. Nagkalat ang kung anu-anong huwad na impormasyon at gawa-gawang kuwento tungkol sa mga kandidato upang pabanguhin ang kanilang pangalan sa publiko o siraan ang kanilang mga kalaban. Maging mapagkilatis at mapanuri tayo sa mga balitang ating binabasa at ibinabahagi sa iba lalo na sa pamamagitan ng Facebook. Responsibilidad nating alamin ang pinagmulan ng mga impormasyong ating natatanggap, ikinukuwento, at ibinabahagi sa social media nang hindi tayo maging bahagi ng panlilinlang at pagsisinungaling, mga bagay na lumalabag sa karapatan sa katotohanan ng ating kapwa. ‘Ika nga, “think before you click.”
Bilang mga Kristiyanong naniniwala kay Kristo na siyang “Daan, ang Katotohanan at ang Buhay,” lagi nating panigan at ipaglaban ang tama at ang totoo. Kung alam nating mali ang ating nababasa sa Facebook, huwag na natin iyong ipakalat at tanungin kung ano ang batayan ng kuwentong ating nababasa. Sabi nga sa Juan 8:32, “The truth will set you free!” Ang katotohanan ang magpapalaya sa atin.
Sumainyo ang katotohanan.